Sa pananalig ko, samakatuwid, na ang lahat ay kalooban ng Diyos, lalo't lalo akong sumigla sa paniniwalang ang bagay na yao'y tandang nagpapakilala na ang lahat ng aking ginagawa ay kalugod lugod sa kanyang mga mata.
Sinamantala ko ang lahat ng pagkakataon upang makipagtalo sa kanya, at dahil sa siya'y lubhang maalam ng mga Banal na Kasulatan, ng mga Ebanghelyo at ng iba't ibang kinatha ng mga "santos padres," ay kinailangan ko ring mag-aral ng mga batayang ito ng ating Relihiyon upang huwag akong maiwan sa huli.
Hindi niya tinatanggap ang aral-kristiyano. Kinausap ko siya. tungkol sa apat na impiyernong nasa gitna ng lupa sang-ayon kay Pari Astete at ako'y nginitian niya bilang katugunan. Tungkol sa mga ibang bagay, walang anuman siyang itinatanggi, datapuwa't hindi naman niya sinasang-ayunan ang lahat ng sinasabi ko.
Isang araw ay tinanong ko siya kung tayo'y may kaluluwa at kung ito'y kanyang pinaniniwalaan. Sinagot niya ako Iyan ba'y pinaniniwalaan ninyo?
-Opo, ako'y naniniwalang may kaluluwa at kung paanong ito'y nabubuhay at kung bakit nabubuhay.
-Napakabuti, kung gayon - anya, at ako'y kinausap hinggil sa mga ibang bagay.
Datapuwa't minsan ay sinabi niya sa silid aralan na palibhasa tayo'y walang tiyak na kaalaman kung anong talaga ang bagay na nadarama (materia), hindi natin nasasaklawan ang mga katangian nito, kaya hindi natin maaaring itanggi sa kanya ang mga katangiang hindi natin nalalaman kung sa anong uri ng ņilikha lamang maiuukol.
Sa ibang pagkakataon ay sinabi niyang ang tao'y nakauunawa ng mga kaisipan sa isang paraang nadarama at lagi nang sa ilalim ng isang kaanyuan, at ang tao'y walang tiyak na pagkaunawa kung ano ang kawalang katapusan ni kung ano ang kawalanghangga, at ang lahat nang kanyang nagugunita o nabubuo sa pang-unawa ay may pagkakatulad sa mga bagay na nasa labas.
Minsan, dahilan sa isang dakilang pangyayari ay sinabi niya sa gitna ng malaking kasiglahan na ang tao, upang mapanagot sa kanyang mga gawa, upang maging karapat-dapat sa gantimpala o sa parusa, ay nararapat gumawa, alinsunod lamang sa kanyang budhi't pagkaunawa, nang hindi napatatangay sa kuru-kuro ng iba