banal na relihiyon. Ang kanyang asawa at anak na babae'y mga
katoliko, nakikinig ng misa, nagkukumpisal, nakikinabang, at nangingilin tuwing ito'y iniuutos ng Simbahan. Sa ganang kanya, bagama't siya'y hindi tumatanggap ng mga sakramento, ang pamumuhay naman niya'y sapat na uliran, wala siya ng anumang bisyo;
gumagamot siya nang walang bayad sa mga mahihirap na binibigyan pa niya ng mga gamot, namumudmod siya ng mga limos, at hindi
siya narinig na umupasala kailan man sa kaninuman, kahit na sa pamahalaang maaaring siyang lahat ng bagay na maaaring masabi.
- Totoong kahina-hinayang ang nasasabi kong madalas sa aking sarili na ang gayon karaming kabutihan ay mawalan ng kabuluhan at ang gayon kalawak na karunungan at gayon kalaking pagpapakahirap ay humantong sa impiyerno! - Sa katunayan, siya'y hindi ko nalilimutan sa aking mga panalangin, bagay na marahil ay nakatutulong pa sa pananatili niya sa gayong kalagayan.
Gaya ng aking sinabi, siya'y may isang anak na dalagang napakabait, maganda at napakamagiliwin.
Palibhasa'y nabuo na sa aking loob ang pagiging anino niya, ipinasiya kong lumigaw sa kanyang anak na dalaga upang sa ganitong paraa'y magkaroon ako ng lalong maraming pagkakataong makipag-usap at makipagkita sa kanya sa kanyang tahanan, at baka kung magkatuwang kami ng kanyang anak ay maakay namin siya sa mabuting landas.
Sasabihin ninyo sa aking ang landas na pinili ko ay may kahabaan; marahil ay may katuwiran kayo, nguni't yao'y siyang lalong tiyak. Ang lahat ng ito'y alang-alang sa pag-ibig sa Diyos!
Lumigaw nga ako sa kanyang anak na babae; datapuwa't itinadhana ng Diyos, upang ako'y subukin, marahil, na ang pag-ibig ko'y huwag niyang tanggapin, bagama't madalas kong iginiit sa kanya ang aking pag-ibig, madalas ko siyang dalawin, at madalas kausapin tungkol sa kalangitan at sa aking mga pag-asa. Dumating ang isang sandaling inakala kong ang diyablo, sa takot nitong matupad ang aking balak, ay humadlang, sa pamamagitan ng lahat ng kaparaanang maaaring gawin sa aking mga banal na hangarin, nguni't sa sandaling pagwawari-wari'y naunawaan kong hindi maaari ang gayon dahil sa katuwirang sumusunod. Ang diyablo, na napakamapaglalang, napakamanúnukso, ay dapat sanang tumulong sa pag-iibigan namin, upang pagkatapos ay libangin ako, ilayo sa aking landas at patahakin ng ibang daan.