— Datapuwa't iyo'y tungkulin ko!
— Walang pag-aalinlangan; datapuwa't ang pangyayari'y sinasabi ni Francisco Nava na siya lamang ang pinilit na humiwalay sa babae niya, sa dahilang siya'y isang sawimpalad; at kung siya'y naging iba ay hindi sana nagkagayon. At pagkatapos na humiwalay ay sinabi pa umano niya: Managot ang arsobispo sa mga kasalanang magagawa ko.
Dito, ang mabait na matanda ay ganap na nawalan ng pagdidili-dili at sumuko sa Probisor at sa Probinsiyal. Ang mabait na matanda ay naniniwalang siya ang dahilan, sa isang paraan, ng gayong kapahamakan, at sinisisi niya ang sarili dahil sa kahinaang ipinamalas na pagwawala-walaan sa kagagawan ng iba, kabiláng na nito ang ilang prayle.
— Tama na, tama na, patawarin ako ng Diyos!— ang sagot — gawin ng inyong Kamahalan ang inaakala ninyong marapat gawin. Iligtas ang sawimpalad na iyon.
— Kung gayon, ang unang dapat gawin ay magpadala ng isang patalastas sa gubernador na kumuha ng bilanggo sa kublihan.
— Oo . . . datapuwa't nararapat ninyong palumayin ang mga pangungusap, alam na ninyong si Don Sebastian ay matigas. Inimpit ng Probisor ang isang ngiti at sumulat sa isang dahong papel ng sumusunod
"Ginoong Gubernador: Si Francisco Nava, artilyero, ay kinuha, sa pamamagitan ng lakas, sa Kublihang inihahandog sa kanya ng Kaligtasang makasimbahan sa kagalang-galang na kumbento ng mga paring agustino; at dahil dito, bilang arobispo'y iniuutos ko sa Inyong Kadakilaang tumupad, bilang isang masunuring anak ng simbahan, at isauli dito agad ang nagkasalang nauukol sa kanya, upang sa ganito'y makapagbigay kayo ng halimbawa ng kababaang loob at ng pagka-mabuting kristiyano, sa dahilang kung kayo'y hindi tutupad ay mahuhulog kayo sa napakabibigat na parusa na sa huli'y inyong itatangis.
"Buhat sa bahay, ngayon, araw ng lunes."
― Napakabuti,—ang sabi ng mabait na matanda at kinuha ang papel —datapuwa't hindi ba ninyo mapapalitan nang bahagya ang pangungusap na bilang arsobispo ay iniuutos ko; si Ginoong
196