— Kung gayo'y higit tayo! At tingnan natin kung sino ang makapananaig sa atin. Siya'y hindi maaaring tumigil dito nang hihigit sa siyam na taon; samantalang ang Inyong Kadakilaan ay mananatili rito habang buhay, at kami, ang mga korporasyon ng mga prayle, ay magpasawalang-hanggan. Kung si Ginoong Sebastian Hurtado de Corcuera ay isang dakilang pulitiko, gaya ng ipinangangalandakan niya, ay magsisikap siyang huwag magkaroon ng anumang pakikipagkaalitan sa atin, sa dahilang dito'y maaaring mawala ang buong kabantugan niya. Wala, Kadakidakilang Ginoo, sa mga suliraning ito ay kailangang magpamalas ng katiningan ng loob, sa dahilang ang magpakilalang sumusuko ay nararapat makabatid na hindi na niya mababawi kailanman ang lupang nawala. Samakatuwid ay nararapat hingin ng Inyong Kadakilaang isauli sa ating ang bilanggo sa ilalim ng parusang latae sententiae (naigawad na) gaya ng ipinapayo ni Ginoong Purrier, upang pasiyahan ng hukumang makasimbahan ang pangyayari, bilang isang usaping simbahan at pagkatapos, siya'y isasauli o hindi sang-ayon sa inaakala ninyong marapat, datapuwa't ang kailangang mamalas ng buong daigdig ay nararapat igalang ang pinakamaliit na karapatang tinatamasa ng mga prayle. Ganyan ang gawin ninyo, Kadaki-dakilang Ginoo, at umasa kayong kami'y lagi nang sasa-inyong panig at kakampi sa inyo sa lahat ng bagay; sa kabilang dako, kapag namalas ng mga prayleng sila'y pinababayaan ng Obispo nila sa paghabol sa mga karapatan nila, sino ang nakaaalam kung pagkatapos ay pababayaan din ng mga relihiyoso ang Obispo nila? Nalalaman ng Inyong Kadakilaang may mga pagkakasamaan ng loob na namamagitan sa Inyong Kadakilaan at sa gubernador, at kinakailangang siya'y magkaroon ng mga kakampi, at sa dahilang tila nanghahamon ang kaaway ay dapat sagutin siya nang may pagmamataas upang huwag tumapang.
Ang mga huling pagmamatuwid na ito, ay nakapagpaisip-isip sa arsobispo, na ang tanging naisagot ay isang buntong-hininga.
— At huwag limutin, tangi sa rito, ng Inyong Kadakilaan, na nararapat iligtas ang Francisco Navang iyan sa kamatayan ang tikis na dugtong ng Probisor na nakatatalos ng kahinaan ng Arsobispo —sapagka't ang Inyong Kadakilaan ang dahilan halos ng kapahamakan at kasalanan niya.
— Bakit? — ang tanong ng Arsobispong kinilabutan.
— Sa dahilang ang Inyong Kadakilaan ang siyang pumilit na siya'y humiwalay sa babaing iyon.
195