Nangagat-labi ang Probinsiyal at tumadyak sa sahig ang Probisor.
— Datapuwa't tingnan natin, Kadaki-dakilang Ginoo —ang sabi ng agustinong nagsikap na magpigil — tungkulin ng Inyong Kadakilaang ipagtanggol ang inyong pangkatin bilang isang butihing pastol, tutoo o hindi?
— Mangyari pang iya'y aking tungkulin — ang tugon ng sawimpalad na Arsobispo. Ang banal na orden ng mga Agustino, na kayo'y anak na itinuturing, ay isang haligi ng iglesiya, ang pinakamatibay na haligi, totoo ba o hindi?
— Gayon ang pagkaalam ng lahat.
— Maaari bang ang gusali ng Kakristiyanuhan ay manatili nang walang panganib kung ang pinakamatibay na haligi niya'y gagawin ninyong mabuhay sa mga hampas ng kaaway na nakasisira, oo o hindi?
— Datapuwa't ano ang tinutungo, Pari Probinsiyal, ng lahat. ng tanong na iyan? —ang tanong ng arsobispo sa himig na pagtutol. Ako ang siyang kauna-unahang kumikilala sa mataas na katuturan ng ating orden at harinawang hindi ko nilisan kailanman ang katahimikan ng klaustro. Napakasaya noon ng aking buhay...
At pinahid ng likod ng kamay ang isang patak na luha.
— Kung gayon —ang dugtong ng hindi mapalubay na Probinsiyal nararapat ninyong ipagtanggol nang buong lakas ang kaligtasan ng kublihan, hindi lamang bilang kublihang makasimbahan, kundi bilang kublihan ng inyong kumbento.
— Datapuwa't hindi ba makakatagpo ang kahinahunan ng ibang paraan ng paglutas?
— Kapag ang natataya ay ang pagtatanggol sa isang karapatan, ay kinakailangang humanap ng mga salitang kaagpang, Kadaki-dakilang Ginoo; ang Diyos na siyang katotohanan ay nararapat magtanggol ng mga karapatan niya nang walang makalupang pagpapakundangan. Una muna ang mga karapatan ng Diyos at pagkatapos ay magulo na ang daigdig!
— Datapuwa't isaalang-alang ninyong si Don Sebastian ay isang kusang-loob.
194