kung gabi o kaya'y napatitigil iyon, gaya ni San Jose na nagpatigil sa araw nang tatlong araw at tatlong gabi, ayon sa sinasaysay ng Uldog na Pransiskano.
—Kung gayo'y ibang-iba ang dating Arsobispo ang pakli ni Maligaya. Nakita namin siya nang araw ding dumating kaming buhat sa Los Banyos: siya'y nakikipagprusisyong nakayapak, nasasabugan ng abo ang ulo at may isang lubid na nakatali sa liig; nahahawig siya sa matandang lasing sa Bay na pinarusahan ng Kura, na lumakad sa gayong anyo dahil sa pumasok sa simbahan nang hindi nag-alis ng pugong sa ulo.
—Sapagka't hindi pinarusahan ninuman ng Arsobispo kundi kusang loob niyang ginawa iyon, upang matuklasan ang nagnakaw ng Santisimo.
—Upang matuklasan ang magnanakaw: kakatuwang paraan. Ang kura sa Bay, gaya rin ng enkomendero, kapag sila'y ninakawan, ang mga magnanakaw ay hinahanap nila sa pamamagitan ng hagupit at pagpalo sa mga utusan at mga alipin at ng hindi
pagbibigay sa kanila ng pagkain; totoong kakatwa ang mga kastila! At sabihin mo nga, natuklasan ba ang magnanakaw?
—Hindi —ang tugon ni Martin na nagsikap na mag-anyong nalulungkot hindi natamo iyon ng banal na arsobispo, datapuwa't ikamamatay ko sa lungkot ang paggunitang ninakaw nila ang Diyos, bagay na isang malaking kapahamakan.
—Datapuwa't maaari bang manakaw ang Diyos ng mga kristiyano?
—Mangyari pa —ang tugon ni Martin —iyan nga ang kadahilanan ng relihiyon namin; ang isang maliit na bahagi ng tinapay ay maaaring gawin naming tutoong Diyos na may katawan, kaluluwa at dugo, ang Diyos na nakapangyayari sa lahat na lumikha ng mga langit, ng lupa at ng lahat ng namamalas mo ...
Natilihan at nag-isip si Maligaya.
—At kung ipinagbili ang Diyos na ninakaw upang ito'y gawing alipin? ang tanong niyang lubos na nananabik.
—Iyan nga ang ikinatatakot ng arsobispo, na baka ipinagbili sa mga insik, mga moro o di-binyagan, na nalalaman ninyong mga kaaway ng Diyos namin; at iyan ang dahilang ikinahahapis niyang tutoo. Ang mga aklat ay tumutukoy sa isang babaing nakinabang upang ipagbili ang Diyos sa isang hudiyo, na sa dahilang ito'y isang
188