mapag-alaala sa lahat, nagsasalita siyang lagi sa mahinang tinig;
ang mga nakakikilala sa kanya'y nagsasabing ang buong nalalaman
niya'y ang musika at si Maligaya ang tangi niyang pag-ibig.
Nagdarala siya ng kahit ano para sa dalawang magkapatid
na kambal, kung hindi mga bulaklak ay isang bagay na nauukol sa
pagsamba sa dahilang si Martin ay totoong madasalin. Nang hapong iyon ay may dala siyang isang kandila para kay Sinag tala
at isang papel ng musika para kay Maligaya.
—Ano ang nangyari? —ang tanong ng dalawang magkapatid, na nababahala at nananabik, sa dahilang nababasa pa sa mukha ng binata ang takot na hindi pa lubusang napaparam.
—Natatandaan ba ninyo yaong artilyerong narito noong taong nagdaan at humahanap sa ingkong ninyo?
—Sino? Iyon bang ibig matulog dito sa pagdadahilang ang ingkong daw ay nagtatago at darating? At upang umalis lamang ay kinailangang ibigay ko sa kanya ang aking kuwintas na ginto?
—Iyon nga!
—Eh ano? binabalak ba niyang pumarito uli? —ang tanong ni Maligayang natatakot.
—Bah! —ang tugon ng binatang nagtangkang ngumiti Susmaryosep! Patawarin siya ng Diyos.
—At ano? —ang tanong ni Sinag-talang inip na inip na.
—Siya'y itinatago namin sa Kumbento, datapuwa't sa wakas ay narakip din.
—At marahil ay bibitayin siya, hindi ba?
—Sa wakas ay napag-alaman din ng bagong gobernador ang mga kalupitan at mga gawa niya.
—Eh ngayon?
—Natatandaan ba ninyong siya'y may isang marilag na aliping babae, na minamahal niyang mabuti, nguni't sinasaktan kapag siya'y lasing.
—Oo, eh ano?