Ang prayleng si Fernando de los Rios, prokurador ng Kapuluang Pilipinas, na pagtukoy sa Sultang ito ay nagsabi kay Felipe III ng ganito:
"Si Acuña, dahil sa nagkulang sa kanyang pangako sa Hari ng Ternate, ay siyang naging dahilan kung bakit ang lahat ng tao sa Molukas ay naging kaaway ng mga kastila . . . Tunay ngang habang nabubuhay si Acuña ay pinakitunguhan ang hari nang buong pitagan at pagsasaalang-alang, datapuwa't sa panahon ni Don Juan de Silva, ay nakita ko ang hari na nakatira sa isang silid, na binabahaan ng ulang tumutulo sa buong katawan niya at doo'y pinapatay siya sa gutom. Nang magsadya ako, isang araw, upang makita siya, ay nanikluhod sa harap ko't isinamo sa aking ipamanhik ko sa Gubernador na ilagay siya sa isang lugal na hindi niya ikababasa at bigyan siya ng pagkain, pagka't siya'y mamamatay sa gutom, at madalas siyang napipilitang magpalimos pagka't kung hindi'y wala siyang makakain. Ipagbibigay-alam ko ang bagay na ito sa Inyong Kamaharlikaan, alang-alang sa inyong mabuting ngalan sa gitna ng mga bansang iyong maaaring magkalang kayo ang may utos na gayon ang gawing pakikitungo sa isang Prinsipeng noong una'y nakapagpangatal sa takot sa lahat ng pulo sa mga karagatang iyon.
Mahigit na 'sampung taon ang naging kalagayang iyon ni Sultan Zaide bago siya namatay; ang mga Kachiles na kasama niya ay nangamatay ring isa-isa, matangi si Kachil Ampara, na dating tagapag-alaga kay Prinsipe Tagulima. Ang katandaan at ang malaking pagbabago ng kapalaran ay nakapagpaiba nang di kakaunti sa pag-iisip ng matandang Kachil, na ngayo'y nakikipaglibing sa anak ng kanyang panginoon.
Bumulong-bulong si Gachil Ampara sa tinig na di nagbabago ng himig:
—Nang ipanganak ka ay nagkaroon ng mga pagdiriwang, mga piging, mga sayawan . . . pinalaya namin ang mga alipin; ipinanganak ang isang prinsipe; ang isang prinsipe'y isinilang na lalo pang maganda kaysa araw. . . Tinuruan kita ng wika ng mga bulaklak, tinuruan kitang ipahayag ang iyong mga kaisipan sa pamamagitan ng mga iyon; tinuruan kita ng paggamit ng kampilan, ng maliit na kampilan mo, mahabang parang isang punyal. . . Datapuwa't ang lahat ay nalimutan natin dito . . . ang lahat ay natapos ang Ternate'y napalalayo na at walang sinumang nakagugunita sa atin.