Sa mga naroroon ay nakatatawag ng pansin at tunay na namumukod ang isang batang lalaking ang suot ay kalahating pilipino at kalahating kastila, sa liig ay may isang rosariyong bilang. tanda ng pagkakristiyano niya, at isang matandang lalaki, na ang bihis ay katulad ng bihis ng mga naninirahan sa Terrenate o Ternate, 3 salawal na putot, maluwang na baro at may pamigkis sa baywang. Hindi inalis ng batang lalaki ang pugong, nakatindig siya at tila nakipaglibing dahil lamang sa pananabik at hindi sa pagmamahal, samantalang ang matandang lalaki'y nakalupasay sa lupa, nakasubsob sa dako ng bangkay sa isang ayos na tunay na nanlulupaypay, nagsasalitang ang tinig ay nanginginig at iisang himig na parang inaabot ng malaking pagkahibang.
Ang ibang mga kasama, na parang mga taong bukid, ay halos hubad at nangakatayong tila hindi nababagabag. Ang pagdating ng matandang nakasuot ng luksa, ay nakatawag ng pansin ng lahat, tangi sa taong nakabihis ng ayon sa pinagkagawian sa Ternate, na nagpatuloy sa pagsasaad ng mga pariralang walang kaugnayan at hindi iniaalis ang mga mata sa mukha ng bangkay.
Ang kararating, na hindi nakapansin sa damdaming ibinunga ng pagsipot niya, ay nagpugay, nag-alis ng pugong at nagtungo ng ulong natatakpan ng malagong buhok na puti, at nag-anyong nagninilay-nilay.
Ang kilos na ito'y waring ipinamumukha sa binatang kristiyanong naroroon, na nag-alis din ng takip sa ulo bagaman hindi nawawalay ang anyong nananabik.
Ang bangkay na iyon ay kay Prinsipe Tagulima, anak at tagapagmana ni Zaide, Sultan ng Ternate, na kasama ng mga pangunahing kachiles ay dinalang mga bilanggo sa Maynila noong 1606,
sa pananalig sa mga pangako ng mga hesuwita at sa baligtaring
pahintulot na ipinadala sa kanya ng Gubernador Pedro de Acuña.
Nalimot ni Acuña ang kagandahang-loob at ang katarungan at ang
tanging nagunita'y dapat na makuha ang isa sa lalong mayayamang
pulo sa mga pinanggagalingan ng mga sangkap na pampasarap ng
luto, at makamkam yaon sa pamamagitan ng pagbihag sa angkan
ng hari.
__________________
3 Ito'y isang pulo sa Molukas.