Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/173

From Wikisource
This page has been validated.


likong napipilitan nilang iguhit, at sa ganito'y nagdudulat ng napakalaking panganib sa mga maliliit na sasakyan, kaya't iginagalang ng mga mamamayan at nag-iiwan doon ng mga alay sa diwang ipinalalagay nilang tumitira sa malaking batong iyon.

Ang taong pumili ng kasukalan sa maaliwalas na landas na inihahandog ng daan, kung mamalasin ay tila buhat sa malayo, isang lalaking nasa kalakasan ng kanyang gulang; napakatatag ng paghakbang at napakalakas ng bisig, na upang huwag ibaluktot at iyuko ang ulo, ay hinahawi at binabali ang lalong makapal na sangang nakahahadlang sa kanyang daraanan, na parang bumabali ng mga sanga lamang ng sampaga. Gayunman, kung mamalasin nang matandang may pitumpu hanggang pitumpu't limang taong gulang na, matangkad at tuwid ang tindig, buhay at malalalim ang mga mata, mukhang mainam ang bukas at matigas.

Ang damit na suot ay katulad ng ginagamit ng mga mamamayan sa Luson, may isang panyong nakapugong sa paligid ng ulo, at binabayaang nakalaylay sa mga balikat niya, sa gitna ng makapal at mahabang puting buhok ang dalawang dulo ng kanyang napakaganda ang pagkakaburda. Ang pugong, gaya ng maikling baro at mahal na balabal na bumabalot sa kanya buhat sa baywang hang gang sa tuhod at pinaraan sa pagitan ng mga binti at maraming magagandang lupi, ay yari sa sedang itim na may guhit na ginto.

Ang mga hiyas niya ay kadena, pulseras, mga hikaw at mga sinsing na yari sa ginto't mahahalagang bato; at sa lahat, maging sa kanyang ayos at sa kanyang paglakad ay makikilalang isa sa mga labi ng dating kamaginoohang tagalog, na unti-unting nawawala at tumatakas sa malalayong sulok ng mga lalawigan. Ang matanda'y walang sandatang dala; matagal nang panahong ipinagbawal ang paggamit niyaon sa mga Pilipino, at sa mga mangangahoy at magbubukid lamang ipinahihintulot, gaya ngayon, ang pagdadala ng isang mapurol na gulok o ng isang itak na maikli ang talim at mahaba ang puluhan.

Pagkaraan ng ilang paghihirap ay dumating din siya sa ituktok, na ang layo sa dulo ng batong-buhay ay mga dalawampung hakbang, at doo'y bumulaga sa mga mata niya ang isang malungkot na panoorin. Yao'y isang abang libing, kung ang pagbabatayan ay ang apat o limang taong nakikipaglibing, na halos hubad at gulanit ang pananamit, at ang abang kalandra o langkayan ay yari sa kawayang kinaroroonan ng isang abang banig na kinababalutan ng bangkay ng isang taong may apatnapu o apatnapu't limang taon.

164