Yaon ang panahong nagsisimula nang magkahalo ang dalawang
bayan ang isa'y kabilang sa mga lalong maliit at bata sa dako ng
Asiya, na nahirati sa isang kapayapaang hindi lubós, dahil sa kalagayan at kasaysayan nila, at ang isa nama'y ang pangunahing
kapangyarihan sa Europa, nasa sukdulan na ng kanyang karingalan, at bagaman patungo na sa pagbaba, ay nag-iingat pa rin ng
lalong malalaking lakas at hiningang mapanlupig, kaakibat ng
isang alaalang buhay ng isang nakaraang ipinaging pangunahing
bansang mandirigma nang panahong iyon, anupa't nasa ilalim ng
pagpapasiya niya ang mga bisig, ang mga kayamanan at ang mga
sasakyang-dagat na nagpasuko sa apat na ikalimang bahagi ng
Daigdig, sa dahilang nang panahong iyon, ang araw ay hindi pa
lumulubog sa mga bayang sakop ng Espanya.
Namamahala sa Kapalaran ng Kapuluang Pilipinas, bilang Kapitan Heneral, Si Ginoong Sebastian Hurtado de Corcuera, 2 at ang prayleng si Hernando Guerrero ay siyang arsobispong pinakapuno ng mga samahan ng mga prayle.
Mag-iikatlo ng hapon. Ang langit, na may mga ulap na nagbabanta ng malakas na unos ay nagbabala ng ulang nalalapit. Ang mga kawayanan sa mga dalampasigan ng Pasig, na ang ngalan noon ay Ilog ng Maynila, ay nagpapasiway ng makukunat at makikisig niyang puno at usbong sa ibabaw ng umaapaw na tubig ng ilog, nagpapaypay sa ibabaw ng tubig ng ilang dahong tuyo't nalalagas sa mga sanga at sumasalipadpad at nagiging laruan ng hanging, umiikot sandali sa alangaang upang gumuhit ng mga kaakitakit na Iikong wari'y nag-uurong-sulong, hanggang sa lumagpak upang maging tanda ng takbo ng mga pag-aalun-alon at ng mga ikot ng uli-uling dumaraan sa mga punong kahoy at masisinsing sukal, na para bagang umiiwas sa masasayang bahay ng mga enkomendero at mayayamang mangangalakal sa Maynila, na doo'y may mga matulaing tirahang naliligid ng mga gulayan at halamanan. Isang taong naglalakad, patungo sa Malapad-na-Bato, isang batong-buhay na nang panahong iyon ay ibayo ang taas at lalong malaki kaysa ngayon, at sa paana'y lumiliko at nagngangalit na nag-uuli-uli ang tubig sa ulunan, bilang bunga ng matalim na pag-
___________________ 2 Siya ang Gobernador Heneral sa Pilipinas buhat nang ika-25 ng Hunyo, 1635 hanggang ika-11 ng Agosto, 1644.