Noon ay buwan ng Setyembre ng taong 1635, animnapu't apat na taon buhat nang dumating ang mga Kastila sa Maynila, at sandaa't labing-apat na taon buhat nang gawin ang mga kaunaunahang kasunduan ng pakikipagkaibigan sa mga naninirahan sa Kapuluang Pilipinas.
Itinataguyod noon ng Espanya ang walang puknut na pakikidigma laban sa mga Olandes at sa mga naninirahan sa Timog,1 at sa mga digmaang ito'y mga Pilipino ang nagpapasan ng bahaging lalong mabigat at mahirap. Sa loob ay sinusubaybayan ng pamahalaan ang mga insik, at madalas na sinusugpo, sa pamamagitan ng kamay na bakal, bagaman lagi nang kaakibat ng kasanayan, ang pahina nang pahinang pagsisikap ng ilang lalawigan upang ibagsak ang pamatok. Ang katolisismo, sa kabila ng pagsusumakit ng mga misyonero, ay hindi pa namamayani sa lahat ng mga lalawigang sumuko sa bisa ng diplomasiya ng baril o ng mga pangaral at mga pangako. Maraming indiyo, mga buo-buong mag-aanak, mga bayan at hanggang malalawak na mga pook ang nananatiling tapat pa sa lumipas, at naglalagay ng isang matibay na hadlang sa mga prayle, na sa pamamagitan ng kababaang loob at pagsasabog ng mga alay at pangako ng langit at ng kawalang-hanggan, ay nangagsisipangaral at nangagtuturo, at kadalasa'y sinasamahan sila ng maraming uri ng mga baril, bilang matuwid na ad hominem o naaangkop sa tao o upang gamitin sa pagtatanggol sa sarili, at nangagtatayong unti-unti ng mga simbahang bagay lamang sa parang ang pagkakayari sa pagitan ng mga sagitsit ng mga punlo at mga awit ng pananalanging katoliko, mga bagay itong sumusugat at nakatulig sa pag-iisip ng mga naninirahan sa Pilipinas.
Iniingatan pa rin, bagaman may kahirapan na sa maraming pook, ang mga dating alamat at mga gawa noong sila'y nagsasarili pa, bilang pagtutol o kaya'y paghamon, o dahil sa pinagkagawian o sa matibay na pananalig at katigasan ng ulo.
___________________
1 Tinutukoy ang mga mamamayan sa Mindanaw at sa mga Pulo ng Sulu, na ang pinananampalatayanan ay ang relihiyon ni Mahoma.