6. — ISANG MALAYANG PALAISIP*
Sa boong buhay ko'y hindi pa ako nakakakita ng isang taong napakakamuhi-muhi na gaya ng isang malayang palaisip.
Sapul sa aking kamusmusa'y kinatakutan ko na siya at sa pagbibinata ko'y nakapanghilakbot sa akin. Ngayon, hindi ko malaman kung ano ang iisipin ko sa kanya.
Nang kami'y bata pa, kami'y nahirating pagpakitaan sa ilalim ng ngalang ito ng isang taong sinumpa ng aming banal na Relihiyon o kung hindi man, ay ng aming mga pari, isang kaluluwang inaalihan ng demonyo, sa dahilang hindi umiisip ng gaya namin, ni gaya ng mga kinatawan ng aming Diyos. Nang nagbibinata na, nang katatalikod pa lamang namin halos sa mga larong pambata at sa kandungan ng aming ina, at iwan namin ang mga saranggola at mga kabayong kahoy, upang pakipagtalunan ang mga simulaing walang hanggan ng malinis na kaugalian, upang arukin ang kailaliman ng kaluluwa, upang maglahad at magpasinungaling sa iba't ibang pamamaraan ng pilosopiya, upang makapasok sa mga di-madalumat na dawag, na marahil ay maligoy, ng metapisika at pinangungunahan ng mga bihasang kamay, ay nakarating kami hanggang sa paglutas ng lahat ng kahiwagaang nakalatag sa landas ng buhay; nang, taglay ang pananampalataya sa kaluluwa, ang pag-ibig sa puso at ang pagtitiwala sa aming buong pagkatao, ay tinatanggap namin nang walang katutol-tutol ni pag-aalinlangan, nang walang sapat na pakikipagtalo ni pasubali, ang lahat ng sinasabi sa amin ng mga dakilang guro namin, ang lahat nang ipinakikilala sa aming bilang aral na dapat sampalatayanan at di-namamali; sa gayon, puno ng liwanag at sigasig na makarelihiyon, ay dinapuan kami ng panghihilakbot sa mga tupang yaong naliligaw, na nakikilala sa tawag na malayang palaisip o may malayang kaisipan.
Mga palalo! — ang wika namin sa kanila; — mga kaluluwang walang laman at walang kapararakan, na walang tinatanggap maliban sa ipinakikilala ng inyong katuwiran; na nagmamatuwid nang hindi nanghahawak sa mga banal at nakapagpapalakas na
*Sa kuwentong itong sinulat marahil ni Rizal sa Madrid noong 1884, ayon kay G. Mariano Ponce, ay di malayong isinaalang-alang niya ang kaisipang naghahari noon sa Pilipinas na ipalagay ang mga malayang palaisip na mga taong karimarimarim, ang mga kaluluwa'y ipinagkanulo sa demonyo, at bilang mga kaaway ng Diyos ay tuloy-tuloy na nahuhulog sa impiyerno at pinarusahan magpasa walang hanggan, alinsunod sa sabi ng mga pari.
40