Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/48

From Wikisource
This page has been proofread.


ristan, mga kawani, mga natiwalag sa pamahalaan, mga karabinero, mga alguwasil at ... Kay raming mga papel de bangko. kay raming mga pabalsa!

Ang buong panahon ng kanyang pagkagubernadorsilyo ay isang pagdiriwang na walang tantan. Ang pamistang kasuutang tinabas ni Alberto Reyes ay nakikita sa lahat ng dako, sa araw at gabi, sa mga prusisyon, sa sabungan, sa pangungulo sa mga mamamayang taga-Binundok o sa mga insik na mamamasan, tagapaghatid ng hamon, pabo, mansanas, mangga, manok at iba pang maraming-marami. Ang mga ito'y mga palagiang kasa-kasama ni Kapitang Pepe, walang iniwan sa mga liktor ng matandang Roma, upang dumalaw sa maykapangyarihan sa Intramuros o sa Kapitan Heneral sa Malakanyang. Dahil sa mga ito'y naging matalik siya sa mga diyus-diyusan sa Olimpo, walang pagpapalagayang-loob, sa ilang may kadakilaan.

Sa loob ng panahon ng kanyang mga pagreregalo't paninikluhod, alalaong baga'y samantalang namamahala siya sa isang maliit na paraan, sa Binundok ay hindi nawala ang mga kahatulang lalong napabantog, mga kahatulang lalong katangi-tangi at iba't iba. Sakaling ang aming mambabasa'y hindi taga-Maynila, tatalakayin namin dito ang dalawa sa lalong hindi napabantog na makapagpapatangi at magpapakilala sa kanya.

May dalawang taong nagtatalo kung ang isa sa kanila'y nakapagpahiram sa ikalawa ng gayon karaming kuwalta. Ang ikalawa'y nagpapatunay na hindi umabot sa gayong halaga, at kapuwa nila pinagbabatayan ang mga kasulatan, katibayan, mga sulat, at iba pa, at sila'y nagkakainitan na.


* Ang "Makisig na Gubernadorsilyong" inilarawan dito ni Rizal ay nagpapaalaala sa atin ng asta, ugali, anyo at asal ni Kapitan Tiyago sa Noli Me Tangere. Ito, gaya ng sukat magunita, ay katulad din ng makisig na gubernadorsilyong tinawag sa lathalang ito na Kapitan Pepe, na isang ganap na alipin ng mga prayle at nagtatambak ng salapi sa mga pamisa, pista, hiyas at palamuti sa mga simbahan. Maliwanag na si Kapitan Pepe rito ay siya ring Kapitan Tiyago sa Noli.

39