Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/43

From Wikisource
This page has been proofread.


natin ang isang bagay na nakahahalina at marikit, na makasisiya sa ating parang anino ng kaligayahan, isang sandaling walang ipagtitiis, isang bagay na dakila, isang bagay na nakapagdudulot sa atin ng isang kabutihang nakababagbag ng ating kalooban.

Sa pagnanasang yao'y mabigyan ng anyo, maipahayag, malapatan ng sagisag, ng isang damit, ay nilikha ng tao ang magagandang sining. Marahil ang unang isinilang ay ang musika sapagka't ang tao, sa mula't mula pa'y tatangis at maghihirap (nakakaramdam ng unang pag-ibig) at sa pagnanais na maipahayag ang kanyang mga sakit at mga hangarin ay bumigkas ng mga tunog sa kawalan ng wikang magagamit. Datapuwa't pagkatapos, habang ang mga mata niya'y nahihirati sa panonood sa kalikasan, habang ang kagandahan nito, na hinulaan lamang noong una, dinamdam pagkatapos at naunawaan nang dakong hal, ay nagpapakilos sa kanyang diwa at nagpapasigla sa kanyang puso, ang tao, na hindi iba kundi isang salamin lamang na sumisipi at gumagaya sa lahat ng bagay na nakaliligid sa kanya, ang tao, inuulit namin ay nagnais na gumaya ng mga bagay-bagay na nasa labas at tinuklas ang Pintura, ang tanging sining na nagbibigay ng karapatan sa tao upang siya'y tawaging kalarawan at kawangis ng Diyos.

At sa katotohanan, ang pintura'y nakasisipi ng tanang nilikha ng Diyos, lumilikha ring gaya ng Diyos, may pagkakaiba nga lamang ang likha ng isang may hangganan sa likha ng walang hangganan, sa likha ng Diyos at sa gawa ng tao. Inihaharap sa inyong mga mata ang dagat kahit sa isang ilang na ang hangin ay hindi nakapagpapalamig; ang pinakamaliit na alon ay naglalahad sa inyo ng mga tanawing nakangiti, mga kagubatang makulimlim, mga langit na masaya na may mga ulap na makislap at may iba't ibang anyo, malalawak na abot-tanaw na batbat ng malalim na kalungkutan, mararangal na simbuyo ng kalooban, kagitingan, kadakilaan at matatamis na damdamin. Kung sapul sa inyong kamusmusa'y wala kayong nakita kundi panginorin at nabilang ninyo ang mga taon sa pamamagitan ng yelo o pag-ulan ng yelo, ang pintura'y makapagpapatamasa sa inyo ng paraisong inyong pinapangarap: ang maalindog na halamanan sa mga lupaing maiinit, ang hanging napakadalisay at nanganganinag, isang liwanag na makapagpaparamdaman sa inyo ng maligamgam na init ng tagsibol na sa pakikipaglaro sa matataas na dahon ng mga punong-kahoy, sa ibabaw ng bubog ng mga ilog at mga look, ay bumubuo ng kaaya-ayang mga lilim na puno ng pag-ibig at ng hiwaga, mga talon ng tubig na parang pilak at brilyante, na makapagpapagunita sa inyo ng mga

34