Pagkatapos, buhat sa tudling na iginuhit ng isang araro'y
gumitaw ang isang bayang malakas, masipag, dakila, palalo, at
kahanga-hanga. Buhat sa kanyang kapitolyo ay pinagala ang tingin sa daigdig, na naging karapat-dapat na pakay ng isang kasakimang walang hanggan, at nagpalagablab sa kanyang mga hangarin. Pinawalan ang kanyang mga limbas at pinalakad ang
kanyang mga kawal. Sa pagbalik ng mga ito'y nakasingkaw na
sa karwahe ang lahat ng mga bansa. Ang Gresyang napakaliit
ay nahigop ng Roman lalong mapagwagi, datapuwa't ginawa
ng Gresya sa Roma ang ginawa rin ng Ehipto sa Gresya: tinuruan
ng Gresya ang mga anak ng Roma, pinalamutihan ng mga gawa ng
kanyang mga anak ang mga lansangan at liwasan nito; at ang
lahat niyang karunungan, agham, pilosopiya, mga sining ukol sa
kariktan at panitikan, ay inilipat sa Roma, at bagama't ang mga
yao'y nahawahan ng angking panghalina't kariktan, ay naragdagan naman sa kadakilaa't kamaharlikaan sa pagpapakilala ng
wani (genio) ng bayang palalo. Sa gayo'y nasaksihan sa Roma
ang nangyayari ngayon sa mga bayang bihasa hinggil sa pagpapahalaga't paggaya sa mga bagay-bagay na galing sa Pransiya;
ang kabihasnang griyego ay nakapasok sa lahat ng dako, ang mga tula't mga salita niya'y nagpalipat-lipat sa mga bibig, ang mga
kaugalia't pilosopiya niya'y tinularan at isinagawa. Ang agham
nga at ang kabihasnan na hanggang sa mga araw na yao'y naging
pag-aari ng Silangan, sa pagtulad sa katutubong takbo ng mga
buntala, ay nagtungo sa Kanluran, bagaman nang dumating na sa
puso ng daigdig ay tumigil na para bagang ibig magturo sa lahat
ng mga bansa't mga lahi. Nang panahong yaon, ang Iberya,5
Galya,6 Germanya,7 Bretanya8 at pati na ang Aprika ay nagpapadala ng mga anak nila sa lunsod na siyang tagpuan ng kapangyarihan, ng karunungan at ng kayamanan, upang makita, hangaan
at mapag-aralan nila sa maluwang na pook na nakukubkob ng mga
pader, ang tanang nahaka ng isip ng tao hanggang sa panahong
iyon. Palabas na itinanghal sa lahat ng panahon ng sangkatauhan
ang pagtungo nito sa liwanag upang ang lupa'y matanglawan.
Ang sanhi nito ay sapagka't kalakip ng kalikasan ng tao ang pag-
5 Ang Iberya, ay siya ring ngalan ng Espanya.
6 Ito ay siya ring Italya.
7 Ang Germanya ay siya ring Alemanya.
8 Ang Bretanya ay siya ring Inglatera ngayon.
26