Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/34

From Wikisource
This page has been proofread.


kapatiran tayong pinapaghiwalay ng kalayaan, at kapag nagkakaisa na'y bumubuo ng iisang angkang siyang lunggati ng tanang mga palaisip.

Sa dahilang ito, kaya ang tao'y ginawang mamamayan ng daigdig, nilikha ang mga dagat upang sa ibabaw ng nahahawing katawan nito'y makapagpadulas ang mga sasakyang-dagat; ang hangin, upang siyang makapagtulak at makapagpatakbo ng mga yaon; at ang mga bituin, upang siyang makapamatnugot kahit sa gabing lalong madilim; at ang ilog na bumabagtas sa iba't ibang dako. Siya'y nagbukas sa mga batong malalaki ng mga lulusuta't daraanan, nagtayo ng mga tulay, nagbigay sa arabe ng mga kamelyong gagamitin sa mga malalawak na ilang, at ng reno at aso sa mga naninirahan sa mga napakalamig na kadulu-duluhan ng lupa, upang humila ng mga sasakyan nilang walang gulong na ginagamit sa yelo.

Ang buong pagkakasulong ng mga lipunang makabago ay utang na lahat halos sa mga paglalakbay. At sa katunayan, buhat pa sa kauna-unahang panahon, ay naglalakbay na ang mga tao sa paghanap ng karunungan, na para bagang ito'y nakasulat sa mga lupi ng dagat, sa mga dahon ng mga punong-kahoy, sa mga bato ng lansangan, sa mga bantayog at mga libingan.

Ang mga griyego'y nagsadya sa Ehipto upang humingi sa mga pare nito ng aral; nagbasa sila ng mga papiro at natilihan sa panonood ng napakalaking libingang makulimlim na kinatawan ng. kaisipang pambansa; sila'y sumimsim ng sigla sa kanilang luksang kadakilaan, gaya ng ginagawa ngayon ng mga pantas sa Europa sa mga heroglipiko o di-madalumat na titik; at buhat doo'y nagsiuwing mga dalubhasang pilosopo, gaya ni Pitagoras, mga mananalaysay, gaya ni Herodato, mga mambabatas, gaya nina Likurgo at Solon, at mga makatang gaya nina Orfeo at Homero. At ang relihiyon, ang kabihasnan, ang mga agham. ang mga batas at mga kaugalian ay nanggagaling noon sa Ehipto, bagaman sa pagsadsad nila sa mga nakangiting baybayin ng Elade,4 ay naghuhubad ng kanilang mga mahiwagang bihis upang magsuot ng pangkaraniwan at kaakit-akit na kasuutan ng mga anak na babae ng Gresya.


4 Ito ang mithiin ng mga Nagkakaisang mga Bansa.

25