Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/23

From Wikisource
This page has been proofread.


at bumaba ang mga pinggan ng timbangan, ang daliring tagaturo ng timbangan ay hihinto sa gitnang-gitna, at ito'y mangangahulugan na ang dalawang aklat ay magkasimbigat.

Si VENUS ay magtataka, nguni't hindi magsasalita. Aalisin ni MERCURIO ang Eneida sa timbangan at papalitan ng Iliada ni Homero.

(Isang ngiti ang mababakas sa mga labi ni JUNO, ngiting biglang mapaparam kapag nakitang walang lubay ng pagtaas at pagbaba ang mga pinggang kinalalagyan ng Quijote at ng Iliada.)

Parang nabibitin ang pananabik ng lahat; walang sinumang nagsasalita; walang sinumang humihinga.

(Makikitang lumilipad ang isang ibong-himpapawid na kilala sa tawag na SEPIRO, na kapagdaka'y darapo sa sanga ng isang kahoy, upang hintayin din ang kapasiyahan ng TADHANA).

Sa wakas ay titigil na rin ang dalawang pinggang tanso, na pantay na pantay, at hindi na muling gagalaw.

JUPITER — (Sa isang tinig na kagalang-galang). Mga diyoses at mga diyosas: Nananalig ang Katarungang silang dalawa'y magkasimbigat: patas: magyukod nga kayo ng ulo at ibigay natin kay HOMERO ang Tambuli, kay VIRGILIO ang Kudyapi at kay CERVANTES ang Korona. Samantala, ang KABANTUGAN ay magsisiwalat sa buong daigdig ng pasiya ng KAPALARAN, at ang mang-aawit na si APOLO ay magpaparinig ng isang Imno sa bagong bituin, na mula ngayon ay magpapamalas na ng kanyang ningning sa langit ng mga tagumpay at magkakaroon ng isang likmuan sa templo ng pagkawalang-kamatayan.
APOLO — (Kakalabitin ni APOLO ang kanyang kudyapi, at sa taginting nito ay magliliwanag ang buong Olimpo, at kanyang tutugtugin ang isang Imno ng Kalangitan).
"Mabuhay ka, oh, ikaw na pinakadakila sa tanang mga tao, minumutyang anak ng mga Paraluman, katipunan ng matin-

14