Pinanuntunan ni CERVANTES ang iyong mga bandila at ikaw ay buong kabayanihang pinaglingkuran sa mga dagat ng Lepanto, na sana'y ikinamatay niya, kung hindi siya inilaan ng tadhana, sa isang mithing lalong dakila. Kung itinapon ang sundang upang gamitin ang panulat, ay dahil din sa kalooban ng mga walang kamatayan, at hindi dahil sa paglibak sa iyo, na katulad ng naiisip mo, dahil sa iyong kahibangan. (At sa lalong malambot na pananalita ay nagpatuloy:) Kaya nga, huwag kang maging walang-turing, ikaw na may isang mahabaging puso na hindi napapasok ng pag-iimbot at ng mga nakapupuot na damdamin. Tinawanan ang buhay ng mga tinatawag na kabalyero, sapagka't hindi na iyan ang bagay sa kanyang panahon; at tangi sa rito, hindi iyan ang pakikihamok na makapagbibigay-dangal sa iyo, kundi yaong mga paglalaban sa parang; ito'y tiyak na nalalaman mo. Ito ang aking mga katuwiran, at kung hindi ka napahihinuhod ay tinatanggap ko ang iyong hamon.
28 Isang bantog na bayan-lunsod sa Gresiya, na kilala sa pangalang Troya dahil sa magandang akda ng makatang si Homero.
12