Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/20

From Wikisource
This page has been proofread.
MINERVA — Walang alinlangang ang lahat nang iyan ay totoo; datapuwa't hindi ninyo dapat kaligtaan na si Cervantes ay nasugatan at napiit nang matagal na panahon sa di matirhang lupa ng Aprika, doon sa kanyang sinimsiman hanggang huling patak ng saro ng kapaitan, at kinabuhayan niyang laging nakabingit sa bala ng kamatayan.
(Si JUPITER, sa ayos at anyo ay nagpapakilala ng kanyang pagsang-ayon kay MINERVA)
MARTE27 — (Titindig at magsasalita na dumaragundong ang tinig na puno ng galit.) Hindi, alang-alang sa aking sibat! Hindi! Kailanman! Samantalang may isang patak ng dugong walang kamatayan sa aking mga ugat, si CERVANTES ay hindi magtatagumpay. Paano ko mapapayagan na ang aklat na nagpagulong sa lupa ng aking kaluwalhatian at umuyam sa aking mga nagawa, ay siya ngayong tanghaling nagtagumpay? JUPITER, ikaw ay tinulungan ko nang nagdaang panahon; kaya dapat mong isaalang-alang ngayon ang aking mga katuwiran.
JUNO — (Halos mapalukso) Naririnig mo ba, makatarungang JOVE ang mga katuwiran ng matapang na si MARTE, na ang katalinuhan ay kapantay ng katapangan? Ang liwanag at ang katotohanan ay namamayani sa kanyang mga salita. Paano nga natin mapababayaan na ang taong ang tagumpay ay iginalang ng panahon, (at magsalita si SATURNO) ay tanghalin ngayong huli sa kung sinong kung saan nanggaling na iyan, na isang pingkaw, at katatawanan ng lipunan?
MARTE — At kung ikaw, ama ng mga diyoses at ng mga tao, ay nag-aalinlangan sa lakas ng aking katuwiran, itanong sa ibang nangariyan, kung mayroong isa mang nahahandang mangahas na magtaguyod ng kanyang katuwiran sa pamamagitan ng bisig.
(Mapalalong tutunguhin ang gitna ng tanghalan at nanghahamon sa lahat sa pamamagitan ng kanyang paningin at ng pagwawasiwas ng kanyang patalim.)



27 Si Marte ay siyang diyos ng digma: mapanlaban, matapang, masigasig at matalik na tagahanga ni Venus.

11