— Hindi iyan ang pinag-uusapan — ang tugon ng marino — ang dahila’y may kolera sa Biktoriya.
— A, gayon pala!; datapuwa’t hindi ba sinabi mo rin sa akin na may kolera sa Maynila; at iyon ang ikinamatay ng iyong asawa, at hindi siya ipinalibing ng mga kura sa dehilang namatay nang hindi nagkumpisal? Kung gayo’y bakit pipigilin ang ating pagpasok?
— Sapagka’t kailangang tumupad sa mga kautusan. Dito’y mahigpit na ipinatutupad ang mga kautusan, nauunawaan mo ba?
— A!. — ang muling naibulalas ni San Pedro, nang hindi naunawa ngayon nang higit sa nakaraan.
— At sabihin mo nga sa akin, titigil ‘ba kayo, kung gayon, ng apatnapung araw sa Maribeles?
— Hindi, tao pala kayo, tatlong araw lamang. — Kung gayo’y bakit sinasabing kuwarentena — apatnapu?
— Sapagka’t ang kuwarentena ay nangangahulugan ng isa, dalawa, o tatlong araw!
— A! Datapuwa’t ang aking pasaporte, ano ang kabuluhan nito? Hihingin kong isauli sa akin ang labing-anim na pisong ibinayad ko, ako’y tututol!
— Sst! ang mga insik ay hindi nagsisitutol.
Naalaala ni San Pedro na ang mga insik ay hindi nagsisitutol, at nagbubutung-hiningang namanhik sa kanyang Guro na siya’y gawing ibang naninirahan sa lupa.
— Datapuwa’t Pedro, at ang iyong pasaporte? Natatandaan mong ipinagbilin sa atin ng Amang Walang Hanggan na iwasan ang lahat ng pakikipag-usapin sa mga maykapangyarihan dito.
Sinumpa ni San Pedro ang sandaling ikinapag-isip niyang magsainsik at pagkaraan ng tatlong araw na pagkakakuwarentenas sa Maribeles, ay ipinagbigay-alam sa kanilang maaari nang pumasok sila sa Maynila. Nguni’t ang lahat ng mga bungang-kahoy niya’y nabulok at ang kanyang kalakal ay napanganyaya.
— Ba! ang sabi niya sa sarili — ipagbibili natin ang mga panyong seda.
158