Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/166

From Wikisource
This page has been proofread.

— Ang aking katedral, akin, akin, pag-aari ko! At akin, na hindi ko man lamang nalalaman. Wala, walang sinasabi sa akin ang mga galawgaw na nanggaling sa lupa. Neguni’t ako’y nagagalak, nagagalak ako!

At sa pagnanasang makaalis siya sa sasakyang-dagat at sa pagkalimot sa kanyang mga pag-iingat laban sa Pilipinas, ay gumayak na umahon. Datapuwa’t siya’y pinaalalahanan ng isang marinero na nararapat munang maghintay ng pagdalaw, na sadyang ipinag-uutos at maghintay ng kapahintulutan ng mga maykapangyarihan upang makaahon at makapasok.

— Nguni’t may kapahintulutan na ako — itinugon ni San Pedro. — May pasaporte na akong binayaran ko ng labing-anim na piso.

— Walang kakabu-kabuluhan iyan!

— Bakit wala? Nang kami’y dumating sa Biktoriya, na isang bayang sakop, ay hindi kami nangailangan ng mga kapahintulutan ni ng pasaporte, gayong yao’y isang bansa ng mga insik at di-binyagan!

— Iyang-iyan din nga ang dahilan, nguni’t ito’y isang bansa ng mga katoliko!

— Dahil din diyan; ang lahat ay tinatawag na kapatid ng mga katoliko!

— A! — ang naibulalas ni San Pedro, at bagama’t hindi niya nauunawaan ay napahinuhod na Siya.

Pagkaraan ng dalawang oras na paghihintay, sa dahilang ang dadalaw ay nakikipagmasarapan pa sa pakikipagsatsatan sa kanyang mga kaibigan, ay dumating ang lantsa ng Kapitanya, upang ipagbigay-alam sa kanila na sila’y ikukuwarentas sa Maribeles.

— Ano? Bakit kami ikukuwarentas? — ang nagngangalit na tutol ni San Pedro.

— Oo, sapagka’t tayo’y nanggaling sa isang pook na marumi.

— Neguni’t hindi ba sinabi mo sa akin nang tayo’y naglalayag na lalong malinis ang maraming lansangan sa Biktoriya kaysa mga lansangan sa Maynila?

157