sapagka’t ang mga kastila, dahil sa naglakbay sila nang sunod
sa takbo ng araw ay nagkamali tungkol sa araw ng talaarawan.
Diya’y makikita ng Inyong Maharlikang Kadiyusan na ako’y talagang walang kasala-sala sa ginawa nilang pagkakapatungkol na
iyon,
— At kanino nauukol ang araw ng kanilang paglalabanan?
— Ano po ang malay ko sa bagay na iyan, Walang Hanggang Ama? — ang sagot ni San Andres na nag-astang aalis na. Tila po sa isang nagngangalang Prokulo, o sa isang Evasio. Maraming santo ang nakalagay sa talaarawan, at sila ang siyang nararapat papanagutin!
Ipinahanap ang mga santong binanggit, datapuwa’t hindi sila nakikilala ng mga anghel, at ang Amang Walang Hanggan, na hindi nauubusan ng pagtitiis, ay nagtanong:
— Nguni’t tingnan nga natin, ano bang relihiyon ang sinusunod sa Pilipinas?
Nagtinginan ang mga pinagpala, nagtanungan ang mga anghel sa pamamagitan ng kanilang tingin na walang iniwan sa mga batang nag-aaral na hindi nakaaalam ng takdang aralin, hanggang ang isang lalong malikot at pangahas kaysa iba, isang tunay na enfant terrible, ay sumagot:
— Ang relihiyon kristiyano po!
— Sino ang nagsabing ang aking relihiyon ay siyang umiiral sa mga pulong yaon? — ang tanong ng isang tinig lalaki, maliwanag at tumataginting,—sino ang nangangahas lumait sa aking relihiyon?
At isang taong matangkad, may pormal at mapanglaw na pagmumukha, makisig ang tindig at kapita-pitagan ang lakad, ay napagitna sa mga lalong dakila sa mga nagtatag ng mga relihiyon. Ang anghel na matabil, na nanginginig ang buong katawan at nagugulumihan, ay nagkubli sa likod ng kanyang mga kasama, na nag-ukol sa kanya ng ganitong pagsisi:
— Aba, mabuti nga sa iyo!
— Anong relihiyon, kung gayon, ang sinusunod sa Pilipinas — ang muling tanong ng Amang Walang Hanggan na nakatingin sa lahat: — samakatuwid ‘ba’y walang anumang relihiyon ang mga pulong iyon?
133