Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/137

From Wikisource
This page has been proofread.

— Hesus, Maria! — ang putol ng Amang nagkurus— Hesus, Maria! at ang buhong na iyo’y namamahala sa aking ngalan! Sanctus Deus, banal na Diyos!

— Sa dahilang ang Inyong Maharlikang Kadiyusan ay hindi na nakikialam sa lupa. . . Kapag natutulog ang panginoo’y nagdiriwang at nagsasaya naman ang mga utusa’t magnanakaw! — ang sagot na may himig pagsisi ni Gabriel. — Ang buong daigdig ay nakaaalam na ang Alejandrong iyan ay isang tampalasang mapanlinlang, kaya’t siya’y sinumpa’t itinakwil ng lahat ng taong marangal, ng buong Europa’t Amerikang bihasa at ang ngalan niya’y naging singkahulugan ng mga salitang mahalay, mamamatay-tao, manlalason, mapaggawa ng salita, mapang-apid sa malalapit na kadugo . . . Bukod-tangi at diyan lamang sa mga pulong iyan dinarakila siya: diya’y itinalaga sa kanya ang isang buong lansangan na pinamagatan ng kanyang pangalan!

— Totoo ba iyan? Nasisiraan na ba ng bait ang bansang iyan? Nguni’t magpatuloy ka: sinabi mong ang tampalasang iyon, sa pagmamalabis sa aking ngalan .

— Ibinigay niya ang mga pulong iyan sa mga portuges!

— Sa mga portuges? Neguni’t hindi mo ba sinasabing ang mga pulong iya’y nasa ilalim ng kapangyarihan ng mga kastila? Ano, kung gayon ang kinahinatnan ng aking ngalan at puri?

— lIya’y isa pang... ibig kong sabihi’y magpapaliwanag ako: sa pagsasamantala sa pagpapabaya ng Inyong Maharlikang Kadiyusan ay hinati ni Alejandro VI sa mga kastila’t mga portuges ang buong lupa .

— Neguni’t sino ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang makahati sa lupang hindi naman niya pag-aari?

— Aba, ba! Napagkikilalang matagal nang panahong hindi nalalaman ng Inyong Maharlikang Kadiyusan ang nangyayari sa lupa; sapagka’t ni hindi nakapipigil sa mga papa ng pagsasaalangalang sa mga ‘bagay na iyan! Pati na ang langit ay naari nilang pakialaman, ang kaharian ng Inyong Maharlikang Kadiyusan at sampu ng Inyo na ring Maharlikang Kadiyusan.

— Pinakikialaman nila ako, pinakikialaman ang langit, ano ang iyong sinasabi? — ang naibulalas ng Diyos Ama na napatindig.

128