Huag Acong Salangin Nino Man/22
—Itulot ninyo sa aking lacdang̃an co—anya—ang mg̃a utos ng̃ mahigpit na pakikipagcapwa tao. Pitóng taón na ng̃ayong umalís acó rito sa aking bayan, at ng̃ayong aco'y bumalíc ay hindi co mapiguilan ang nasang aco'y bumáti sa lalong mahalagang hiyas niya; sa canyang mg̃a suplíng na babae.
Napilitan ang binatang lumayò roon, sa pagca't sino man sa mg̃a dalaga'y waláng nang̃ahás sumagot. Tinung̃o niya ang pulutóng ng̃ ilang mg̃a guinoong lalaki, na ng̃ mámasid na siya'y dumarating ay nang̃agcabilog.
Mg̃a guinoo—anya—may isang caugalían sa Alemaniang pagca pumaparoon sa isang capisanan, at walang masumpung̃ang sa canya'y magpakilala sa mg̃a ibá; siya ang nagsasabi ng̃ canyáng pang̃alan at napakikilala, at sumasagot naman ang mg̃a causap ng̃ sa gayón ding paraan. Itúlot pô ninyó sa akin ang ganitóng ugálì; hindî dahil sa ibig cong dito'y magdalá ng̃ mg̃a asal ng̃ mg̃a tagá ibáng lupain, sa pagca't totoong magaganda rin naman ang ating mg̃a caugalian, cung dî sa pagca't napipilitan cong gawín ang gayong bagay. Bumati na acó sa lang̃it at sa mg̃a babae ng̃ aking tinubuang lúpà: ng̃ayo'y ibig cong bumati naman sa mg̃a cababayan cong lalaki. ¡Mg̃a guinoo, ang pang̃alan co'y Juan Crisóstomo Ibarra at Magsalin!
Sinabi naman sa canya ng̃ canyang mg̃a causap ang canicanilang mg̃a pang̃alang humiguit cumulang ang pagca walang cabuluhan, humiguit cumulang ang pagca hindî nakikilala nino man.
—Ang pang̃alan co'y A—á!—ang sinabi't sucat ng̃ isang binata at bahagya ng̃ yumucód.
—¿Bacâ po cayá may capurihan acong makipagsalitaan sa poetang ang mg̃a sinulat ay siyáng nacapagpanatili ng̃ marubdób cong pagsintá sa kinaguisnan cong bayan? Ibinalità sa aking hindî na raw po cayó sumusulat, datapuwa't hindî nila nasabi sa akin ang cadahilanan ...
—¿Ang cadahilanan? Sa pagcá't hindî tinatawag ang dakílang ning̃as ng̃ isip upang ipamalingcahod at magsinung̃alíng. Pinag-usig sa haráp ng̃ hucóm ang isang tao dahil sa inilagáy sa tulâ ang isang catotohanang hindi matututulan. Aco'y pinang̃alanang poeta, ng̃uni hindî aco tatawaguing ulól.
—At ¿mangyayari po bagang maipaunawà ninyo cung anó ang catotohanang yaon?
—Sinabi lamang na ang anac ng̃ león ay león din namán; cacaunti na't siya'y ipinatapon sana.
At lumayô sa pulutóng na iyón ang binatang may cacaibang asal.