Huag Acong Salangin Nino Man/21
pananamít na itím. Ang canyang taas na higuít sa caraniwan, ang canyang pagmumukhâ, ang canyang mg̃a kílos ay pawang naghahalimuyac niyang cabataang mainam na pinagsabay inaralan ang catawa't cálolowa. Nababasa sa canyang mukháng bucás at masayá ang cauntíng bacás ng̃ dugong castilà na naaaninag sa isang magandáng culay caymanggui, na mapulapulá sa mg̃a pisng̃i, marahil sa pagcápatira niya sa mg̃a bayang malalamíg.
—¡Abá!—ang biglang sinabi sa magalác na pagtatacá—¡ang cura ng̃ aking bayan! ¡Si parì Dámaso: ang matalic na caibigan ng̃ aking amá!
Nang̃agting̃inang lahat sa franciscano: ito'y hindi cumilos.
—¡Acó po'y pagpaumanhinan ninyó, aco'y nagcámali!—ang idinugtong ni Ibarra, na ga nahihiyâ na.
—¡Hindî ca nagcámali!—ang sa cawacasa'y naisagot ni Fr. Dámaso, na sirâ ang voces.—Ng̃uni't cailan ma'y hindî co naguíng caibigang matalic ang iyong amá.
Untiunting iniurong ni Ibarra ang canyang camáy na iniacmáng humawac sa camáy ni parì Dámaso, at tiningnan niya itó ng̃ boong pangguiguilalas; luming̃ón at ang nakita niya'y ang mabalasic na anyô ng̃ teniente, na nagpapatuloy ng̃ pagmamasíd sa canya.
—Bagongtao, ¿cayó po bâ ang anác ni Don Rafael Ibarra?
Yumucód ang binatà.
Ga tumindíg na sa canyang sillón si Fr. Dámaso at tinitigan ang teniente.
—¡Cahimanawarî dumatíng cayong malualhatì dito sa inyong lupaín, at magtamó nawâ pô cayó ng̃ lalong magandang palad cay sa inyong ama!—ang sabi ng̃ militar na nang̃ing̃inig ang voces. Siya'y aking nakilala at nácapanayam, at masasabi cong siya'y isa sa mg̃a taong lalong carapatdapat at lalong may malinis na capurihán sa Filipinas.
—Guinoo—ang sagót ni Ibarrang nababagbag ang púsò—ang inyo pong pagpuri sa aking amá ay pumapawì ng̃ aking mg̃a pag-alap-ap tungcol sa caniyang kinahinatnang palad, na aco, na canyang anác ay di co pa napagtátalos.
Napunô ng̃ lúhà ang mg̃a matá ng̃ matandà, tumalicód at umalís na dalídálì.
Napag-isa ang binata sa guitnâ ng̃ salas; at sa pagca't nawalâ ang may bahay, walâ siyang makitang sa canya'y magpakilala sa mg̃a dalaga, na ang caramiha'y tinitingnan siya ng̃ may pagling̃ap. Nang macapag-alinlang may iláng minuto, tinung̃o niya ang mg̃a dalagang tagláy ang calugodlugod na catutubong kilos.