Jump to content

Ang Aklat ni Tobit

From Wikisource

 Support

Tobit
di tiyak ang may-akda
211563Tobit — Bibliyadi tiyak ang may-akda

Kabanata 1

[edit]

1 Ang aklat na ito ay kasaysayan ni Tobit na anak ni Tobiel at apo ni Hananiel, na anak naman ni Aduel. Si Aduel ay anak ni Gabael at apo ni Rafael na anak ni Raguel. Si Raguel ay mula sa angkan ni Asiel na mula naman sa lipi ni Neftali. 2 Noong panahon ng paghahari ni Salmaneser ng Asiria, ako ay dinalang-bihag mula sa Tisbe. Ang lugar na ito'y nasa gawing hilaga ng Galilea, timog ng Kades, sa Neftali, hilagang-silangan ng Asher at hilaga ng Fogor.

Ang Buhay ni Tobit

3 Ako si Tobit. Sa buong buhay ko'y sinikap kong mamuhay nang matapat at masunurin sa kalooban ng Diyos. Lagi akong nagkakawanggawa at naglingkod ako sa aking mga kamag-anak at mga kababayan na kasama kong dinalang-bihag sa Nineve, Asiria.

4 Noong kami'y nasa Israel pa, ako'y nasa akin pang kabataan nang ang lipi ni Neftali, ang liping aming pinagmulan, ay humiwalay sa sambahayan ni David at sa Jerusalem. Kaya't kami ngayon ay hindi na saklaw ng Jerusalem, ang lunsod na pinili sa lahat ng lipi ng Israel. Lahat ng Israelita ay pinaghahandog sa templong naroon na itinayo't itinalagang panghabang-panahon. 5 Kaya ang lahat kong mga kamag-anak, pati ang angkan ng aking ninunong si Neftali na tumiwalag, ay naghahain bilang pagsamba sa guyang ipinagawa ni Haring Jeroboam ng Israel doon sa Dan, sa buong kaburulan ng Galilea.

Ang Katapatan ni Tobit sa Kaniyang Relihiyon

6 Ako lamang sa aming pamilya ang laging nagpupunta sa Jerusalem. Lagi akong dumadalo sa mga kapistahan doon sapagkat ito'y bahagi ng walang hanggang kautusan na dapat sundin ng lahat. Tuwing ako'y dadalo, dala ko ang mga unang bunga ng aking ani, ang mga unang supling ng aking mga hayop, ang ikasampung bahagi ng aking kawan, at ang lana mula sa aking mga tupa. Ito'y ibinibigay ko sa mga pari na mga anak ni Aaron upang ihandog sa dambana. 7 Sa mga Levita na naglilingkod sa Jerusalem, ibinibigay ko naman ang ikasampung bahagi ng butil na inani, alak, langis ng olibo, granada, igos, at iba pang bungangkahoy. Maliban sa mga taon ng pamamahinga, nagsasadya ako taun-taon sa Jerusalem upang dalhin ang ikalawang ikasampung bahagi ng aking mga ari-arian at ipinamamahagi ko ang pera sa Jerusalem sa pagdiriwang. 8 Ngunit tuwing ikatlong taon, ibinibigay ko ang ikatlong ikasampu[a] sa mga ulila, sa mga balo, at sa mga taga-ibang bayan na kasama na ng mga Israelita. Nagsasalu-salo kami bilang pagsunod sa Kautusan ni Moises, na itinuro sa akin ni Debora, ina ng aking lolong si Hananiel,[b] upang tupdin. Ulila na ako sapagkat patay na ang aking amang si Tobiel.

Ang Katapatan ni Tobit sa Panahon ng Pagkabihag

9 Pagsapit ko sa sapat na gulang ay nag-asawa ako. Napangasawa ko si Ana na kabilang din sa aming lahi. Si Tobias ang aming naging anak. 10 Nang ako'y dalhing-bihag sa Asiria, tumira ako sa Nineve. Doon, ang mga kapatid ko't kamag-anak ay natuto na ring kumain ng pagkain ng mga Hentil, 11 ngunit ako'y nakapagpigil sa sarili. 12 Dahil sa aking katapatan sa Kataas-taasang Diyos, 13 niloob ng Kataas-taasang Diyos na ako'y kagiliwan ni Haring Salmaneser. Ako ang pinagkatiwalaan niyang maging tagabili ng lahat ng kaniyang pangangailangan. 14 Dahil dito, madalas akong nagpupunta sa Media para mamili roon ng kaniyang mga kagamitan. Minsan nang ako'y nasa Rages, Media, inilagak ko sa kamag-anak kong si Gabael na kapatid ni Gabrias ang ilang supot ng salaping pilak. 15 Nang mamatay si Salmaneser at maghari ang anak niyang si Senaquerib, tumigil na ako nang pagpunta sa Media sapagkat naging mapanganib na ang maglakbay papunta roon.

Inilibing ni Tobit ang mga Patay

16 Nang panahong namamahala pa si Salmaneser, ako'y nagkakawanggawa at naglilingkod sa aking mga kamag-anak at kababayan kapag sila'y nangangailangan. 17 Pinapakain ko ang mga nagugutom at binibigyan ng damit ang mga walang maisuot. Ang makita kong bangkay sa labas ng Nineve, lalo't kababayan, ay aking inililibing.

18 Isang araw, isinumpa ni Senaquerib ang Diyos na Hari ng Langit. Pinarusahan siya ng Diyos at kinailangan niyang tumakas mula sa Juda. Galit na galit siya nang magbalik sa Media kaya't marami siyang ipinapatay na Israelita. Palihim kong inilibing ang mga bangkay kaya't nagtataka ang hari kung bakit nawawala ang mga bangkay ng mga ipinapatay niya. 19 Ngunit may taga-Nineve na nagsumbong sa hari na ako ang gumagawa nito. Bunga nito'y nagalit sa akin ang hari, kaya't ako'y nagtago. Ngunit nang mabalitaan kong alam na ng hari ang tungkol sa akin at ako'y pinaghahahanap upang patayin, ako'y tumakas dahil sa takot. 20 Sa galit ng hari, lahat ng ari-arian ko'y kaniyang sinamsam, maliban sa aking asawang si Ana at anak na si Tobias.

Iniligtas si Tobit ng Kaniyang Pamangkin

21 Makalipas ang halos apatnapung araw, pinatay si Haring Senaquerib ng dalawa niyang anak na lalaki at pagkatapos ay tumakas ang mga ito patungong kabundukan ng Ararat. Pumalit sa hari ang anak niyang si Esarhadon at kinuha nitong katulong sa palasyo ang pamangkin kong si Ahikar na anak ni Hanael. Ginawa siyang tagapamahala ng kayamanan ng buong kaharian. 22 Dahil kay Ahikar, nakabalik ako sa Nineve. Noon pa mang buhay si Haring Senaquerib ng Asiria, si Ahikar ay naglilingkod na sa palasyo bilang tagapaghanda ng inumin ng hari, tagapag-ingat ng pantatak, tagapamahala at ingat-yaman pa. Ang mga tungkulin ding nabanggit ang ipinagkatiwala sa kaniya ng bagong hari. Dahil sa pamangkin ko si Ahikar, pinuri niya ako sa hari kaya't pinayagan ako ng hari na makabalik sa Nineve.

Kabanata 2

[edit]

1 Noong panahon ng paghahari ni Esarhadon, bumalik ako sa aking tahanan sa piling ng aking asawang si Ana at anak na si Tobias. At nang ipagdiwang ang Pentecostes, ang Pista ng Pitong Linggo, hinandugan nila ako ng isang masarap na salu-salo. 2 Matapos ihain ang masasarap na pagkain sa hapag, tinawag ko ang aking anak na si Tobias. “Anak,” ang sabi ko, “Humanap ka rito sa Nineve ng kahit sinong dukhang kababayan nating tapat sa Panginoon. Dalhin mo siya rito at nang makasalo ko. Dalian mo. Hihintayin kita.”

May Pinatay sa Nineve

3 Lumabas nga si Tobias upang humanap ng makakasalo ko. Ngunit bumalik ito agad na sumisigaw, “Tatay! Tatay!”

“Bakit? Anong nangyari, anak?” ang tanong ko.

“May kababayan tayong binigti at itinapon sa palengke,” sagot niya.

4 Dahil sa narinig ko'y hindi na ako nakakain; halos patakbong iniwan ko ang hapag, pinuntahan ang bangkay, at dinala ko sa isang kubling pook upang ilibing paglubog ng araw. 5 Matapos kong gawin ito, nagbalik ako sa amin, naglinis ng katawan, at kumaing nalulumbay. 6 Noon ko nagunita ang pahayag ni Propeta Amos laban sa mga taga-Bethel,

“Ang inyong pagdiriwang ay magiging pagdadalamhati,

at ang inyong kasayahan ay magiging panaghuyan.”

Nanangis ako. 7 Paglubog ng araw, lumabas ako at humukay ng paglilibingan, at ibinaon doon ang bangkay. 8 Sa ginawa kong ito, pinagtawanan ako ng aking mga kapitbahay. Ang sabi nila, “Hindi na ba natakot ang taong ito? Ipinadakip na siya para patayin sa ganito ring kasalanan; ngayo'y naglibing na naman!”

Nabulag si Tobit

9 Pag-uwi ko nang gabing iyon, naligo ako at pagkatapos ay doon na ako natulog sa aming bulwagan. Hindi na ako nagtakip ng mukha dahil sa init. 10 Hindi ko napunang may mga ibong maya pala sa tapat ng higaan ko. Ang mainit-init pang ipot ng mga ito'y pumatak sa aking mga mata at lumikha ng katarata. Sumangguni ako sa mga manggagamot ngunit wala silang nagawa. Ang kanilang mga gamot na inilalagay ay lalong nakapagpalubha hanggang sa ako'y tuluyang nabulag. Apat na taon akong hindi makakita, at gayon na lamang ang pagkabahala ng aking mga kamag-anak. Dalawang taon akong tinulungan ni Ahikar hanggang sa siya'y magpunta sa Elimais.

11 Ang asawa kong si Ana ay nagtrabaho bilang manghahabi na karaniwang gawain ng mga babae nang panahong iyon, upang kumita ng ikabubuhay namin. 12 Pagkahatid niya ng kaniyang mga ginawa ay binabayaran agad siya ng may-ari. Minsan, noong ikapitong araw ng buwan ng taglamig, naghatid siya ng mga natapos niya. Nakuha niya agad ang buong kabayaran at binigyan pa siya ng isang batang kambing.

13 Umuwi siyang akay ang kambing. Pagpasok niya, humalinghing ang kambing, kaya't nang marinig ko'y tinawag ko siya at tinanong, “Saan galing ang kambing na iyan? Marahil ay nakaw, ano? Sige, ibalik mo iyan! Hindi tayo dapat kumain ng nakaw!”

14 Ngunit ito ang tugon niya sa akin, “Iyan ay dagdag na bigay sa akin, bukod sa bayad sa aking ginawa.”

Hindi ko siya pinaniwalaan; pilit kong ipinababalik ang kambing sa may-ari. Galit na galit ako sa aking asawa dahil dito. Kaya't sinumbatan niya ako. Sinabi niya, “Ngayon, nasaan na ang iyong pagkakawanggawa? Nasaan ang mga ginawa mong kapuri-puri? Lumabas na rin ang tunay mong pagkatao!”

Kabanata 3

[edit]

Ang Panalangin ni Tobit

1 Ang nangyaring ito'y labis kong dinamdam. Sa sama ng loob, ako'y napaiyak nang malakas. Tumatangis akong nanalangin nang ganito:

2 Ikaw ay matuwid at makatarungan.[1]

O Panginoon, tapat ka sa lahat ng bagay.

Ikaw ang hukom ng daigdig na ito.[2]

3 Kaya naman ako'y iyong kahabagan, linisin ako at iyong tulungan,

sa mga kasalanan ko'y huwag mong parusahan,

sa di sinasadyang mga kamalian

at pagkakasala ng aking mga ninuno.

4 Sa pagkakasala nila at paglabag,

itong aming lahi'y nabihag at naghirap,

maraming namatay nang sila'y dalhing-bihag.

Kahit saang bansang aming kinasadlakan,

tinutuya kami't pinag-uusapan,
nalagay kami sa labis na kahihiyan.

5 Ang mga parusang iyong iginawad,

tapat at totoo, sa ami'y nararapat

sa mga magulang nami'y angkop na ilapat.

Pati na sa amin ang parusa'y dapat pagkat ang utos mo'y di namin tinupad.

6 “Gawin mo sa akin, iyong maibigan, pabayaan mo nang makitil ang buhay,

bayaan na akong makabalik sa lupa,
masarap pa sa aking ako'y mamayapa.

Di ko matitiis na ako'y kutyain,

lubhang mabigat na ang aking pasanin.

Panginoon, hayaan nang hirap ko'y magwakas

at mamahinga ako sa tirahang walang hanggan.

Mabuti pa ngayon ang ako'y mamatay, kaysa magtiis pa ng hirap sa buhay

na ang naririnig ay mga pangungutya!”

Maling Paratang kay Sara

7-8 Nang panahong iyon, sa Ecbatana, Media, ay may isang dalagang ang pangala'y Sara na anak ni Raguel. Pitong ulit na siyang nagpakasal, ngunit bago siya masipingan, bawat mapangasawa niya ay pinapatay ng demonyong si Asmodeo. Isang araw, ininsulto siya ng isang babaing utusan ng kaniyang ama. Sabi nito, “Pihong ikaw ang pumatay sa iyong mga naging asawa. Tingnan mo, pito ang naging asawa mo, ngunit wala ni isang nakapagbigay sa iyo ng anak. 9 Bakit kami ang pagpapasanin mo nito? Mamamatay ng asawa! Mabuti pa'y magpakamatay ka na rin! Hindi namin gustong ikaw ay magkaanak pa!”

10 Lubhang nalungkot si Sara nang araw na iyon. Umiiyak siyang umakyat sa silid ng kaniyang ama. Nais na niyang magbigti, ngunit nagbago ang kaniyang isip. “Hindi!” nasabi niya sa sarili. “Hahamakin ng mga tao ang tatay ko kapag ito'y ginawa ko. Tiyak na sasabihin nila sa kaniya, ‘Iisa na nga lang ang anak mong babae, nagpakamatay pa dahil sa kapighatian!’ Para kong itinulak ang aking ama sa hukay dahil sa sama ng loob. Mabuti pang hilingin ko sa Panginoon na siya ang kumitil sa aking buhay para hindi na ako kutyain ng mga tao.”

Ang Panalangin ni Sara

11 Kaya't noon di'y humarap si Sara sa bintana, itinaas ang mga kamay, at nanalangin nang ganito:

“Mahabaging Diyos, dapat kang papurihan,

marapat dakilain ang iyong pangalan,
dapat kang purihin ng lahat ng nilalang.

12 Ang tulong mo ay aking hinihintay, O Panginoon. 13 Iyo ngang iutos na ako ay lumaya

nang di na marinig ang mga pagkutya.

14 Iyong nababatid na ako'y dalaga,

nakasiping na lalaki, kailanma'y wala pa.

15 Dangal ng sarili'y aking naingatan, pati na ang dangal ng aking magulang

sa lugar kung saan dinala kaming bihag.

Itong aking ama'y walang ibang anak,

walang kamag-anak na aking magiging kabiyak.

Pitong beses na akong nabiyuda

kaya ang buhay ko'y wala nang halaga.

Kung ang buhay ko'y di mo pa kukunin,

iyong ipadama ang habag sa akin,

huwag mo nang hayaang ako ay kutyain.”

Tinugon ng Diyos ang Dalangin nina Tobit at Sara

16 Ang dalangin ni Tobit at ni Sara ay narinig ng Diyos. Noon di'y tinugon niya ang kanilang kahilingan. 17 Isinugo niya ang anghel na si Rafael upang sila'y tulungan. Isinugo ito upang alisin ang katarata sa mata ni Tobit at upang palayain si Sara sa kapangyarihan ng demonyong si Asmodeo, at pagkatapos ay makasal kay Tobias, na anak ni Tobit, sapagkat si Tobias ang may karapatan kay Sara. Samantalang si Tobit ay pabalik sa kaniyang tahanan mula sa bakuran nila, si Sara naman, na anak ni Raguel, ay bumababa sa kaniyang silid.

Kabanata 4

[edit]

Pinayuhan ni Tobit si Tobias

4 Nang araw ding iyon, naalala ni Tobit ang salaping kaniyang inilagak kay Gabael sa Rages, Media. 2 Noon di'y inisip niya ang ganito: “Dahil ang hangad ko'y mamatay na, kailangang tawagin ko ang anak kong si Tobias upang ipaliwanag sa kaniya ang tungkol sa salaping iyon.” 3 Ipinatawag nga niya ito, at pagdating ay sinabihan, “Ipalibing mo ako nang maayos kapag ako'y namatay. Igagalang mo ang iyong ina at huwag mo siyang pababayaan. Sundin mo anuman ang kaniyang kagustuhan at huwag mo siyang dudulutan ng sama ng loob. 4 Alalahanin mo anak na maraming panganib ang kaniyang dinanas habang ikaw ay nasa sinapupunan pa niya. Kaya kung siya'y bawian ng buhay, ilibing mo siya sa aking tabi.

5 “Huwag mong kalilimutan ang Panginoon habang ikaw ay nabubuhay; sumunod ka sa mga utos niya at iwasan mong magkasala. Sa iyong buong buhay, gawin mo ang mabuti at iwasan ang landas ng makasalanan. 6 Sikapin mong maging tapat sa gawain at magtatagumpay ka.

7 “Huwag mong tatalikuran ang mahihirap; magkawanggawa ka, at di ka tatalikuran ng Diyos. 8 Ang pagkakawanggawa'y iangkop mo sa iyong katayuan sa buhay; kung mayaman ka'y magbigay ka nang masagana. Ngunit mahirap ka ma'y magbigay ka rin; huwag kang magpapabaya. 9 Alalahanin mong sa paggawa mo nito'y nag-iimpok ka ng kayamanan na magagamit mo sa panahon ng kagipitan. 10 Hindi lamang ito, ang pagkakawanggawa'y nagliligtas pa sa kamatayan at sa kadiliman. 11 Ang paglilimos ay isang mabuting kaloob para sa karangalan ng Kataas-taasang Diyos.

12 “Anak, iwasan mo ang anumang uri ng pakikiapid. Huwag kang mag-aasawa sa hindi kabilang sa angkan ng ating mga ninuno. Huwag sa mga dayuhan, kundi sa kabilang sa angkan ng iyong ama, sapagkat tayo'y nagbuhat sa mga propeta. Alalahanin mong lagi sina Noe, Abraham, Isaac at Jacob. Sila ang ating mga ninuno; lahat ay nag-asawa sa mga kamag-anak nila at pinarami ng Diyos ang kanilang mga anak. Ang mga anak na ito ang magmamana ng lupain ng Israel, 13 kaya mahalin mo ang iyong angkan. Huwag kang magmamalaki sa kanila. Kailangang doon ka pumili ng iyong mapapangasawa. Sapagkat kung hindi mo gagawin ito at magmamalaki ka, maaaring magkagulu-gulo kayo at di magkaunawaan. Ang katamaran ay siyang sanhi ng paghihikahos at paghihirap. Iyan din ang pagmumulan ng karalitaan at kagutuman.

14 “Ang sinumang pinagtatrabaho mo'y swelduhan mo agad. Huwag mo nang ipagpapabukas pa ang pagbabayad sa kaniya. Kung magiging tapat kang lingkod ng Diyos, ikaw ay pagpapalain niya. Ingatan mo ang iyong hakbang at ilagay sa lugar ang bawat kilos mo. 15 Anumang hindi mo gusto'y huwag mong gagawin sa iba.

“Huwag kang maglalasing. Huwag mong pababayaang maging bisyo mo ang pag-inom ng alak.

16 “Bigyan mo ng pagkain ang nagugutom, at ng damit ang mga nangangailangan. Kung masagana ka ay magkawanggawa ka, at huwag kang manghihinayang sa iyong pagbibigay ng limos. 17 Kung may mabuting tao na mamatay, huwag kang magmaramot sa pagpapakain sa mga naulila. Subalit huwag mong gagawin iyon sa mga makasalanan.

18 “Humingi ka ng payo sa marurunong at piliin mo ang papakinabangan. 19 Magpuri kang lagi sa Panginoong Diyos at hilingin mong ituwid niya ang iyong landas para magtagumpay ka sa iyong layunin. Walang maaasahang mabuting payo sa mga bansang pagano; ang Panginoon lamang ang nagbibigay ng lahat ng mabuti. Kung loobin niyang itaas ang tao, nagagawa niya ito, at kung gusto namang isadlak sa libingan, ito'y mangyayari. Dahil dito, huwag mong kalilimutan ang aking mga utos, at iukit mo ito sa iyong isipan.

20 “Tobias, may ipagtatapat ako ngayon sa iyo, anak: may inilagak akong malaking halaga kay Gabael na anak ni Gabrias, sa Rages, Media. 21 Huwag ka na ngayong malungkot dahil sa tayo'y maralita. Kung may takot ka sa Diyos at iiwan mo ang kasalanan, malulugod sa iyo ang Panginoon at yayaman ka.”

Kabanata 5

[edit]

Si Rafael at Tobias ay Naglakbay Patungong Media

5 Si Tobias ay sumagot sa kaniyang amang si Tobit, “Susundin ko po ang lahat ng inyong utos. 2 Ngunit paano ko po makukuha ang salaping sinasabi ninyo? Hindi naman ako kilala ng taong sinasabi ninyo at hindi ko rin naman siya kilala! Ano pong katibayan ang ibibigay ko sa kaniya upang kilanlin niya ako at ipagkatiwala sa akin ang salaping iyon? Hindi ko rin po alam ang papunta sa Media.”

3 Sumagot si Tobit, “May paraan, anak; lumagda kami ni Gabael sa isang kasulatan, na may dalawang sipi at pagkatapos ay pinagtig-isahan namin iyon. Ang kanya ay kasama ng supot ng salapi. Dalawampung taon na ang nakalipas mula noon! Humanap ka agad ng isang taong mapagkakatiwalaan na makakasama mo. Babayaran natin siya pagbalik ninyo. Kailangang makuha mo ang salaping iyon kay Gabael.”

4 Humanap nga si Tobias ng taong tapat at nakakaalam ng pagpunta sa Media. Paglabas niya'y nakita niya ang anghel na si Rafael na nakatayo sa kaniyang harapan, ngunit hindi niya alam na ito'y anghel ng Diyos. 5 Kaya't tinanong niya kung tagasaan ito. “Israelita ako,” sagot ni Rafael. “Malayo mo akong kamag-anak, at pumunta ako rito sa Nineve upang maghanap ng trabaho.”

“Alam po ba ninyo ang patungo sa Media?” tanong ni Tobias.

6 “Aba, Oo,” tugon ng anghel. At sinabi pa nito, “Sanay ako sa pagpunta roon. Alam ko ang lahat ng daang patungo roon. May kamag-anak pa nga akong madalas dalawin doon! Si Gabael na taga-Rages, Media. Ang Rages ay dalawang araw na lakbayin mula sa Ecbatana, sapagkat ang Rages ay nasa kabundukan at ang Ecbatana ay nasa gitna ng kapatagan.”

7 Nang marinig ito ni Tobias, sinabi niya sa kausap, “Maaari bang hintayin mo ako sandali? Ikaw ang taong kailangan kong makasama; babayaran kita. Magsasabi lang ako sa ama ko.”

8 “Payag ako; dalian mo lang,” tugon ni Rafael.

9 Nagbalik si Tobias at sinabi sa kaniyang ama ang nangyari. Sabi niya, “Nakakita na po ako ng lalaking makakasama at isa pa nating kamag-anak!”

“Tawagin mo siya,” sabi ni Tobit, “nais kong malaman kung kaninong lahi siya nagmula at kung siya'y mapagkakatiwalaan upang samahan ka.”

Nakausap ni Tobit si Rafael

Nagbalik si Tobias kay Rafael at sinabi rito, “Nais kang makausap ng aking ama.” Nagpunta naman si Rafael, at pagpasok sa bahay, binati agad siya ni Tobit.

“Magandang araw po!” tugon naman ni Rafael.

“Ano ba ang maganda sa buhay ko?” sabi ni Tobit. “Bulag ako, at hindi ko maaninag ang liwanag na kaloob ng Diyos; para na akong patay na nananatili sa kadiliman! Nakakarinig nga ng tinig, ngunit hindi naman makita ang nagsasalita.”

“Huwag po kayong mawalan ng pag-asa,” tugon naman ni Rafael, “pagagalingin kayo ng Diyos.”

Matapos marinig ito'y sinabi ni Tobit, “Si Tobias ay gustong magpunta sa Media ngunit hindi niya alam ang daan. Puwede bang samahan mo siya? Huwag kang mag-alala; babayaran kita, anak!”

Sumagot si Rafael, “Puwede ko po siyang samahan. Lahat po ng daang patungo roo'y alam ko. Madalas po akong magpunta sa Media at natawid ko nang lahat ang mga kapataga't kabundukang papunta roon.”

10 Tinanong siya ni Tobit, “Huwag kang magagalit, anak; tagasaan ka ba at kaninong lahi ka nagmula?”

11 “Bakit po kailangan pa ninyong malaman ang aking pagkatao?” tugon ni Rafael.

Sumagot si Tobit, “Mabuti nang malaman ko kung sino ka at kung sino ang iyong angkan.”

12 “Ako po'y si Azarias,” tugon ni Rafael. “Anak po ako ng matandang Hananias na isa rin ninyong kamag-anak.”

13 “Ganoon ba?” sagot ni Tobit. “Mabuti! Pagpalain ka nawa ng Diyos. Huwag ka sanang maiinis sa aking pag-uusisa. Tingnan mo, magkamag-anak pala tayo! Kilala ko ang iyong ama at ang kapatid nitong si Natamias[3]. Anak sila ng iyong Lolo Semaias at madalas kaming magkasama papuntang Jerusalem para sumamba. Napakabuti nila; mabuti ang iyong angkan! Kaya, tamang-tama ka. Maligayang paglalakbay!”

14 Sabi pa ni Tobit, “Sumama ka lamang sa anak ko, babayaran kita nang araw-araw at babayaran ko ang lahat ng gastusin ninyo. 15 Hindi lamang iyon, bibigyan pa kita ng karagdagang kaloob.”

16 Sumagot naman si Rafael, “Huwag po kayong mag-alala; sasama ako kay Tobias. Makakaasa kayong makakabalik kaming maluwalhati. Wala pong magiging problema sa aming daraanan.”

“Pagpalain kayo ng Diyos,” tugon naman ni Tobit. Tinawag niya si Tobias at sinabi, “Anak, ihanda mo nang lahat ang iyong kailangan, at lumakad na kayo sa mga kamag-anak natin sa Media. Ingatan nawa kayo ng Diyos at ibalik na ligtas. Patnubayan nawa kayo ng kaniyang anghel.”

Bago sila umalis, humalik muna si Tobias sa kaniyang ama at ina. “Nawa'y ingatan kayo ng Diyos sa inyong paglalakbay,” sabing muli ni Tobit.

17 Ngunit napaiyak ang asawa ni Tobit. Sabi niya, “Bakit ka naman nagpasya nang ganito? Alam mo namang siya lang ang ating inaasahan at tanging gabay sa buhay. 18 Huwag namang ang higit na mahalaga sa iyo ngayon ay ang kayamanan kaysa sa iyong anak! 19 Ang buhay na kaloob ng Diyos sa atin ay sapat na.”

20 “Huwag kang mag-alala,” sagot ni Tobit. “Ang anak nati'y ligtas na aalis at makakabalik. 21 Pumanatag ka; huwag kang mag-alala, mahal ko. Asahan mong papatnubayan siya ng mabuting anghel, at babalik siyang walang kapansanan.” At tumahan na si Ana.

Talababa

[edit]
  1. 3:2 makatarungan: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang salitang ito.
  2. 3:2 Ikaw ang hukom ng daigdig na ito: Sa ibang manuskrito'y Ikaw ay laging makatarungan at walang kinikilingan kapag nagbibigay ng hatol.
  3. 5:13 Natamias: Sa ibang manuskrito'y Natan o kaya'y Jatan.