Ang Aklat ni Baruc
Support
Kabanata 1
[edit]Panimula
1 Ito ang aklat ni Baruc na anak ni Nerias at apo ni Maseias. Si Maseias ay mula sa lahi nina Zedekias, Hasadias at Hilkias. Ito ay sinulat sa Babilonia 2 noong ikapitong araw ng buwan, limang taon matapos sakupin at sunugin ng mga taga-Babilonia ang Jerusalem. 3 Binasa ni Baruc ang aklat na ito kay Jehoiakin[1] na anak ni Jehoiakim, hari ng Juda, sa harapan ng lahat ng dumating upang mapakinggan ang pagbasa niyon. 4 Kabilang sa mga ito ang mga maharlika, ang mga anak ng mga hari, ang matatandang pinuno at ang lahat ng uri ng Judiong naninirahan sa Babilonia, mayaman at mahirap, sa baybayin ng Ilog Sud.
5 Nang mabasa ang aklat, ang lahat ay nanangis, nag-ayuno at nanalangin sa Panginoon. 6 Nangolekta sila ng salapi at ang bawat isa'y nagkaloob ayon sa kaniyang makakaya. 7 Ang nalikom ay ipinadala sa Jerusalem kay Jehoiakim, ang pinakapunong pari na anak ni Hilkias at apo ni Sallum, sa mga pari, gayundin sa lahat ng mga kasama niya sa Jerusalem.
8 Noong ikasampung araw ng ikatlong buwan, kinuha ni Baruc ang mga sisidlang pilak na sinamsam sa Templo at ipinabalik sa Juda. Ang mga sisidlang ito ay ang mga ipinagawa ni Zedekias na anak ni Haring Josias ng Juda, 9 nang dalhing-bihag sa Babilonia ni Haring Nebucadnezar si Jehoiakin[2], ang mga pinuno, mga bilanggo, mga maharlika at mga karaniwang mamamayan sa Jerusalem.
Sulat sa Jerusalem
10 Ganito ang nasasaad sa sulat: “Ang perang kalakip nito ay ibili ninyo ng mga gagamitin bilang handog na susunugin, handog ukol pangkasalanan, handog na pagkain at insenso. Ihandog ninyo ang mga ito sa altar ng Panginoon nating Diyos. 11 Idalangin din ninyo si Haring Nebucadnezar at si Belsazar na kaniyang anak, upang tumagal ang buhay nila tulad ng kalangitan. 12 Sa gayon, palalakasin tayo at papatnubayan ng Panginoon. Mamumuhay tayo sa ilalim ng pag-iingat ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, at ng anak niyang si Belsazar. Maglilingkod tayo sa kanila sa mahabang panahon at sa gayo'y malulugod sila sa atin. 13 Idalangin din ninyo kami sa Panginoon naming Diyos sapagkat kami'y nagkasala laban sa kaniya. Hanggang ngayo'y galit pa siya sa amin. 14 Basahin ninyo ang aklat na ito at ipahayag ninyo ang inyong kasalanan doon sa Templo, sa unang araw ng Pista ng mga Tolda at sa inyong mga pagdiriwang ng iba pang mga takdang kapistahan.”
Panalangin ng Pagsisisi sa Kasalanan
15 Ganito ang sabihin ninyo: “Matuwid ang Panginoon naming Diyos. Ngunit lubog pa rin kami sa kahihiyan hanggang ngayon—kaming mga taga-Juda, mga mamamayan ng Jerusalem, 16 pati ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta at mga ninuno— 17 sapagkat nagkasala kami sa Panginoon. 18 Nilabag namin ang kaniyang mga utos at hindi kami nakinig sa kaniya, at hindi namin sinunod ang mga tuntuning ibinigay niya sa amin. 19 Mula nang ang mga ninuno namin ay ilabas ng Panginoon sa Egipto hanggang ngayon, patuloy kaming sumusuway sa Panginoon naming Diyos. Nagpabaya kami at hindi siya pinakinggan. 20 Kaya ngayon ay naghihirap kami. Nagaganap sa amin ang sumpa na ibinabala ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises nang ang mga ninuno namin ay ilabas niya sa Egipto at dalhin sa isang lupaing mayaman at masagana sa lahat ng bagay. 21 Hindi namin pinakinggan ang mga salita ng Panginoon naming Diyos sa pamamagitan ng mga propetang isinugo niya. Ang sinunod nami'y ang masasamang hilig at panay kasamaan ang aming ginawa. Sumamba kami sa mga diyos-diyosan at ang ginawa namin ay pawang kinasusuklaman ng Panginoon naming Diyos.
Kabanata 2
[edit]1 “Tinupad nga ng Panginoon ang babala niya sa amin, sa aming mga hukom, mga hari, mga pinuno, at sa lahat ng taga-Israel at Juda. 2 Wala pang bayang nagdanas ng hirap tulad ng ipinaranas ng Panginoon sa Jerusalem nang isagawa niya ang kaniyang ibinabala sa Kautusan ni Moises. 3 Sa tindi ng gutom, kinain ng magulang ang sarili nilang anak. 4 Pinapangalat kami ng Panginoon sa iba't ibang lupain at iba't ibang kaharian sa paligid. Kaya't naging kahiya-hiya ang aming katayuan at hinamak kami ng lahat. 5 Sa halip na ilagay sa mataas na kalagayan, kami'y ibinabâ sapagkat nagkasala kami laban sa Panginoon naming Diyos; hindi namin dininig ang kaniyang tinig.
6 “Matuwid ang Panginoon naming Diyos, ngunit kami at ang aming mga ninuno ay sadlak pa rin sa kahihiyan hanggang ngayon. 7 Nangyari sa amin ang lahat ng kahirapang ibinabala ng Panginoon. 8 Gayunman, hindi pa rin kami nanumbalik sa kaniya, ni tumigil sa aming kasamaan. 9-10 Binantayan kami ng matindi ng Panginoon. Ibinigay niya sa amin ang kaniyang mga utos, ngunit hindi namin siya dininig. Hanggang sa inilapat na niya sa amin ang parusang ito sapagkat siya ay makatarungan.”
Ang Pagdaing na Iligtas
11 “Kayo po, Panginoon, ang Diyos ng Israel. Sa pamamagitan ng makapangyarihang mga gawa at kababalaghan ay inilabas ninyo kami sa Egipto. Ipinakita ninyo ang inyong lakas kaya't nakilala kayo ng mga bansa hanggang sa ngayon. 12 Nagkasala po kami, Panginoon naming Diyos. Nagtaksil kami sa inyo at nilabag namin ang lahat ng inyong mga utos. 13 Ilayo po ninyo sa amin ang inyong poot sapagkat iilan na lang kaming natitira dito sa mga bansang pinagtapunan ninyo sa amin. 14 Panginoon, dinggin ninyo ang aming dalangin alang-alang na rin sa inyong kapurihan. Loobin ninyong kami'y kalugdan ng mga bumihag sa amin. 15 Sa gayon, malalaman ng buong mundo na kayo ang Panginoon naming Diyos, at ang Israel ay itinalaga ninyo upang maging sariling bayan ninyo.
16 “Tunghayan ninyo kami mula sa inyong trono at dinggin ang aming dalangin. 17 Lingapin ninyo kami. Ang mga patay na nasa Hades ay hindi na makakapagpuri sa inyo o makakapagpahayag ng inyong katarungan. 18 Kami po lamang na mga buháy ang siyang makakaawit ng papuri sa inyo at makakapagbunyi ng inyong katarungan, bagama't kami ay baon sa hirap, lupaypay, mahina, at pinanlalabuan ng paningin dahil sa gutom. 19 “Panginoon naming Diyos, dumudulog kami sa inyong trono ng awa, hindi dahil sa anumang kabutihang nagawa ng aming mga ninuno o mga hari. 20 Pinaparusahan ninyo kami ayon sa ibinabala ninyo sa pamamagitan ng inyong mga propeta nang sabihin nila, 21 ‘Sinasabi ng Panginoon: Sumuko kayo at maglingkod sa hari ng Babilonia at pananatilihin ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. 22 Kapag hindi kayo sumunod sa salita ko at hindi naglingkod sa hari ng Babilonia, 23 papatigilin ko ang lahat ng pagdiriwang at kasayahan sa mga lunsod ng Juda at sa Jerusalem. Pati ang pagdiriwang ng mga kasalan ay di na maririnig sa buong lupain. Ito ay masasalanta at hindi na titirhan ninuman.’
24 “Ngunit hindi namin sinunod ang inyong utos. Hindi kami naglingkod sa hari ng Babilonia. Kaya naman, tinotoo ninyo ang inyong ipinasabi sa mga propeta na inyong lingkod, na huhukayin at ikakalat ang kalansay ng aming mga hari at mga ninuno. 25 Gayon nga ang nangyari. Ang kalansay nila'y nakalantad sa init ng araw at lamig ng gabi. Namatay sila dahil sa matinding gutom, digmaan, at salot. 26 Dahil sa kasalanan ng Israel at Juda ay hinayaan ninyong mawasak ang inyong banal na templo, at nanatiling wasak hanggang sa panahong ito.
27 “Gayunman, Panginoon naming Diyos, pinagpasensyahan ninyo kami't kinahabagan 28 tulad ng ipinangako ninyo kay Moises na inyong lingkod noong ipasulat ninyo sa kaniya sa harap ng bayang Israel ang inyong mga utos. Sinabi ninyo noon, 29 ‘Kapag hindi kayo sumunod sa aking mga utos, mauubos kayo at itatapon sa lahat ng dako. 30 Alam kong hindi ninyo ako susundin sapagkat matigas ang inyong ulo. Ngunit sa lupaing katatapunan ninyo ay makapag-iisip-isip kayo 31 at makikilala ninyo na ako nga ang Panginoon ninyong Diyos. Bibigyan ko kayo ng isipang makakaunawa at pusong masunurin. 32 Pupurihin ninyo ako sa lupaing pinagtapunan sa inyo at aalalahanin ang aking pangalan. 33 Magbabago na kayo at titigilan ang inyong kasamaan, sapagkat maaalala ninyo kung ano ang sinapit ng inyong mga ninuno nang sila'y magkasala sa akin. 34 Kung magkagayon, ibabalik ko kayo sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Mapapabalik sa inyo ang lupaing iyon, pararamihin ko kayo at hindi na mababawasan ang inyong bilang. 35 Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa inyo. Ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ay magiging bayan ko. Hindi ko na aalisin ang aking bayan sa lupaing ibinigay ko sa kanila.’
Kabanata 3
[edit]1 “Panginoong Makapangyarihan sa Lahat, Diyos ng Israel, kami po ay tumatawag sa inyo sa gitna ng aming pagdurusa. 2 Dinggin ninyo kami at kahabagan, O Panginoon, sapagkat nagkasala kami sa inyo. 3 Kayo po ang naghahari magpakailanman, samantalang kami'y namamatay at tuluyan nang naglalaho. 4 Panginoong Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng Israel, dinggin ninyo ang aming panalangin. Kami po'y para nang mga patay. Nagkasala sa inyo ang aming mga ninuno nang sila'y hindi tumalima sa inyo, at kami ang nagdurusa dahil sa kanilang kasalanan. 5 Huwag na po ninyong alalahanin ngayon ang kasalanan ng aming mga ninuno, kundi ang inyong pangalan at kapangyarihan. 6 Sapagkat kayo lamang ang Panginoon naming Diyos, at kayo lamang ang lagi naming pupurihin. 7 Ipinunla ninyo sa aming mga puso ang takot sa inyo upang kami ay tumawag sa inyong pangalan. Sa aming pagkabihag, pupurihin namin kayo, sapagkat tinalikuran na namin ang mga pagkakasalang ginawa sa inyo ng aming mga ninuno. 8 Kami ngayon ay nasa gitna ng mga bansang pinagtapunan ninyo sa amin. Kinukutya at hinahamak nila kami. Pinaparusahan ninyo kami, Panginoon naming Diyos, dahil sa kasamaan ng aming mga ninuno na tumalikod sa inyo.”
Papuri sa Karunungan
9 Dinggin mo, Israel, ang mga kautusang nagbibigay-buhay;
- makinig ka at nang ikaw ay matuto.
10 Israel, bakit ka nasa lupain ng iyong mga kaaway?
- Bakit ka tumanda sa ibang lupain?
- Bakit itinakwil kang parang patay
11 at ibinilang na sa mga nasa Hades? 12 Nangyari ito sapagkat itinakwil mo ang bukal ng Karunungan. 13 Kung lumakad ka lang sa landas ng Diyos,
- sana'y namumuhay kang matiwasay sa habang panahon.
14 Hanapin mo ang bukal ng pang-unawa, lakas at kaalaman,
- at malalaman mo kung nasaan ang mahabang buhay,
- ang liwanag na sa iyo'y papatnubay, at ang kapayapaan.
15 May nakatuklas na ba kung saan nakatira ang Karunungan,
- o nakapasok sa kaniyang taguan ng yaman?
16 Nasaan ngayon ang mga tagapamahala ng mga bansa,
- at namamahala sa mababangis na hayop?
17 Nasaan ang mga naglibang sa panghuhuli ng mga ibon?
- Nasaan ang mga nagtipon ng pilak at gintong pinagkatiwalaan ng tao,
- at kailanma'y di nasiyahan sa kanilang naimpok?
18 Nasaan ang mga nagsisikap magkamal ng salapi
- ngunit wala namang iniwang bakas ng kanilang pinagpaguran?
19 Pumanaw na silang lahat, lumipat na sila sa daigdig ng mga patay,
- at may pumalit na sa kanila.
20 May lumitaw ngang mga bagong lahi at nanirahan sa lupain.
- Nakita nga nila ang liwanag ng araw
ngunit hindi nila nakita ang daan ng kaalaman.
- Hindi rin nila natuklasan ang landas ng Karunungan
- at hindi rin nila ito nakamtan.
21 Naligaw ring tulad nila ang kanilang mga anak. 22 Ang Karunungan ay hindi narinig ng mga Canaanita;
- hindi ito nakita ng mga taga-Teman.
23 Hindi rin ito natagpuan ng mga anak ni Hagar
- at ng mga mangangalakal ng Meran at Teman.
Pawang nabigo rin ang mga nagkukuwento ng alamat
- at nagsasaliksik ng karunungan.
24 O Israel, anong laki ng sanlibutang pinaninirahan ng Diyos,
- at anong lawak ng kaniyang nasasakupan.
25 Ito'y walang hangganan at di masusukat ang lapad at taas. 26 Noong unang panahon, isinilang ang mga higante,
- malalaki't malalakas at batikang mandirigma.
27 Ngunit hindi sila pinili ng Diyos,
- hindi itinuro sa kanila ang landas ng kaalaman.
28 Pumanaw sila dahil sa kawalan ng karunungan,
- nalipol sila dahil sa kanilang kamangmangan.
29 May nakaakyat na ba sa kalangitan
- at nakapagbaba ng Karunungan mula sa mga ulap?
30 Mayroon na bang nagtawid-dagat
- upang bumili ng Karunungan sa pamamagitan ng ginto?
31 Walang nakakaalam ng daan patungo sa kaniya,
- o nakatuklas ng paraan ng paglapit sa kaniya.
32 Ang Diyos na nakakaalam ng lahat ng bagay
- ang tanging nakakakilala sa Karunungan.
Nauunawaan din niya ito sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman.
- Siya ang lumikha at naglagay dito ng lahat ng uri ng mga hayop.
33 Nag-utos siya at lumitaw ang liwanag;
- nanginginig ito sa takot kapag siya'y tumatawag.
34 Tinawag din niya ang mga bituin
- at madali silang nagsitugon, “Narito kami.”
- Lumagay sila sa kani-kanilang lugar at masayang nagniningning para bigyang-lugod ang lumikha sa kanila.
35 Ito ang ating Diyos!
- Walang makakapantay sa kaniya.
36 Alam niya ang daan ng Karunungan,
- at ito'y ipinagkaloob niya sa lingkod niyang si Jacob,
- kay Israel na kaniyang minamahal.
37 Mula noon, nakita na sa daigdig ang Karunungan,
- at nanatili sa sangkatauhan.
Kabanata 4
[edit]1 Ang Karunungan ang siyang aklat ng mga utos ng Diyos,
- ang batas na mananatili magpakailanman.
Ang manghawak dito'y mabubuhay
- at ang tumalikod ay mamamatay.
2 O bayang Israel, tanggapin ninyo ang Karunungan
- at lumakad kayo sa kaniyang liwanag.
3 Huwag ninyong ibigay sa ibang lahi
- ang inyong karangalan at mga karapatan.
4 Mapalad tayo, mga Israelita,
- sapagkat alam natin kung ano ang nakalulugod sa Diyos.
Kaaliwan para sa Jerusalem
5 Lakasan ninyo ang inyong loob, mga kababayan,
- kayong mga nalabi sa bayang Israel.
6 Ipinagbili kayo sa mga dayuhan,
- hindi upang lipulin.
Ipinasakop kayo sa iba
- sapagkat ginalit ninyo ang Diyos.
7 Nang maghandog kayo sa mga demonyo sa halip na sa kaniya,
- nilait ninyo ang sa inyo'y lumikha.
8 Kinalimutan ninyo ang Diyos na walang hanggan na sa inyo'y nag-alaga sa pasimula,
- at dinulutan ng pighati ang Jerusalem na sa inyo'y nag-aruga.
9 Nakita ng Jerusalem ang parusa ng Diyos sa inyo
- at kaniyang sinabi,
Mga karatig-bayan ko,
- ako'y pinararanas ng Diyos ng matinding hirap.
10 Ang mga mamamayan ko'y ipinabihag
- ng walang hanggang Diyos sa kanilang mga kaaway.
11 Maligaya ko silang pinalaki,
- ngunit nanangis ako sa pagdadalamhati nang sila'y kunin sa akin.
12 Huwag sanang ikagalak ninuman ang aking kasawian.
- Naiwan akong nangungulila at balo;
dahil sa pagkakasala ng aking mga mamamayan.
- Tinalikuran nila ang Kautusan ng Diyos at ako'y naging isang bayang wasak at tiwangwang.
13 Hindi nila pinahalagahan ang kaniyang mga utos.
- Hindi nila tinunton ang kaniyang mga landas.
14 Mga karatig-bayan ko, tingnan ninyo at alalahanin
- ang sinapit ng aking mga mamamayan.
- Sila'y ipinabihag ng Diyos na walang hanggan.
15 Tinawag niya ang isang malayong bansa,
- walang-habag at iba ang wika,
walang paggalang sa matatanda
- at hindi marunong maawa sa mga bata.
16 Binihag nila ang mga anak ko,
- at ako'y naiwang nangungulila.
17 “Mga anak, hindi ko kayo matutulungan. 18 Ang nagpadala sa inyo ng kahirapang ito,
- ang tanging makapagliligtas sa inyo.
19 Lumakad na kayo, mga anak,
- at iwan ninyo akong nag-iisa.
20 Hinubad ko na ang balabal ng katiwasayan
- at nagsuot ako ng damit-panluksa.
Mananalangin ako sa Diyos na walang hanggan habang ako'y nabubuhay. 21 “Lakasan ninyo ang inyong loob, mga anak.
- Tumawag kayo sa Diyos at ililigtas niya kayo sa inyong mga kaaway.
22 Nagtitiwala ako na ililigtas kayo ng Diyos na walang hanggan.
- Nakadarama na ako ng malaking kaaliwan,
dahil sa nakikita kong pagkahabag sa inyo ng Banal na Diyos,
- ang inyong walang hanggang Tagapagligtas.
23 Lumuha ako at nanangis nang kayo'y dinalang-bihag,
- ngunit muli akong liligaya kapag kayo'y ibinalik na sa akin ng Diyos.
24 Nakita ng mga karatig-bayan ko nang kayo'y bihagin,
- ngunit hindi na magtatagal at makikita nilang dumarating ang Diyos na walang hanggan,
- na puspos ng kaluwalhatian upang kayo'y iligtas.
25 Mga anak, tiisin ninyo ang pagdidisiplina sa inyo ng Diyos. Nabihag kayo ngayon ng inyong mga kaaway,
- ngunit darating ang araw na makikita ninyo ang kanilang pagbagsak
- at tatapakan ninyo sila sa leeg.
26 Mga anak kong inaruga, naglakbay kayo sa baku-bakong landas.
- Para kayong kawan na sinamsam ng kaaway.
27 “Lakasan ninyo ang inyong loob, mga anak, tumawag kayo sa Diyos.
- Aalalahanin kayo ng nagtakda sa inyo na maranasan ang ganitong kalagayan.
28 Noon, kayo ay lumayo sa kaniya.
- Ngayon nama'y magbalik-loob kayo at maglingkod sa kaniya nang buong pagsisikap.
29 Ang Diyos na nagpadala sa inyo ng kahirapang ito
- ang siya ring magkakaloob sa inyo ng ligayang walang katapusan kapag kayo'y iniligtas na niya.”
Pangakong Pagliligtas sa Jerusalem
30 Tibayan mo ang iyong loob, Jerusalem,
- aaliwin ka ng Diyos na sa iyo'y nagbigay ng pangalan.
31 Kawawa ang mga nagpahirap sa iyo
- at ang natuwa sa iyong pagbagsak.
32 Kawawa ang mga lunsod na umalipin sa iyong mga anak;
- kawawa ang lunsod na bumihag sa iyong mga anak.
33 Kung nagdiwang siya noong ika'y bumagsak at mawasak,
- ngayo'y mananangis naman siya sa daranasin niyang kapahamakan.
34 Pupuksain ko ang marami niyang tauhan na labis niyang ipinagmamayabang,
- ang pagmamalaki niya'y mauuwi sa panaghoy.
35 Ako ang Diyos na walang hanggan, pauulanan ko siya ng apoy. Masusunog siya sa loob ng maraming araw hanggang sa matupok nang tuluyan,
- at siya ay paninirahan ng mga demonyo sa loob ng mahabang panahon.
36 Jerusalem, tumingin ka sa silangan,
- at tingnan mo ang kagalakang dulot sa iyo ng Diyos.
37 Narito't dumarating na ang mga anak mong itinapon.
- Nagkakatipon sila ayon sa tawag ng Kabanal-banalang Diyos.
Dumarating sila mula sa silangan at sa kanluran
- na nagpupuri sa kaniyang kaluwalhatian.
Kabanata 5
[edit]1 Jerusalem, hubarin mo na ang damit-panluksa
- at isuot mo ang walang hanggang kaluwalhatian ng Diyos.
2 Ibalabal mo ang kanyang katuwiran
- at iputong mo sa iyong ulo ang korona ng kaluwalhatian ng Diyos na walang hanggan.
3 Itatanyag ka niya sa lahat ng dako. 4 Tatawagin kang “Kapayapaang bunga ng katuwiran
- at Kaluwalhatiang bunga ng pagiging maka-Diyos.”
5 Jerusalem, tumayo ka at umakyat sa mataas na burol.
- Tumingin ka sa silangan at tanawin mo
ang iyong mga anak na sa isang tawag lamang ng banal na Diyos ay natitipon mula sa silangan hanggang sa kanluran.
- Nagagalak sila sapagkat hindi sila kinalimutan ng Diyos.
6 Pilit silang inagaw sa iyo at kinaladkad palayo, ngunit ngayo'y ibinabalik sa iyo
- na sakay sa kaluwalhatiang wari'y nakaupo sa maharlikang trono.
7 Iniutos ng Diyos na patagin ang matataas na bundok at walang hanggang burol,
- at tambakan ang mga libis
- upang panatag na makabalik ang bayang Israel na puspos ng kaluwalhatian ng Diyos.
8 Sa utos niya'y lilitaw ang maraming mababangong punongkahoy
- upang liliman ang Israel.
9 Aakayin sila ng Diyos, at babalik silang masaya
- na pangangalagaan ng kanyang habag at katuwiran,
- at liligaya sa liwanag ng kanyang walang hanggang kaluwalhatian.
Karagdagang Kabanata sa Aklat ni Baruc
[edit]Kabanata 6
[edit]Tingnan sa Ang Sulat ni Jeremias