Ang Aklat ng Karunungan ni Solomon
Support
Kabanata 1
[edit]1 Mahalin ninyo ang katuwiran, kayong mga pinuno sa lupa. Isipin ninyo ang Panginoon nang may katapatan, At hanapin siya nang may katapatan ng puso, 2 sapagkat siya’y nagpapakita sa mga hindi sumusubok sa kanya at nasusumpungan ng mga di nawawalan ng pananampalataya sa kanya. 3 Inilalayo ka sa Diyos ng mapanlinlang na mga kaisipan. Kapag sinusubok ang kanyang Walang-Hanggang kapangyarihan, nalilito ang mga hangal. 4 Ang Karunungan ay di pumapasok sa tampalasan, ni nananatili sa katawang alipin ng kasamaan. 5 Sapagkat ang Banal na Espiritu ng disiplina ay tatakas mula sa panlilinlang, At babangon at hihiwalay sa mga hangal na mga kaisipan, At mapapahiya sa nalalapit na kalikuan. 6 Ang karunungan ay diwang mabait sa tao, ngunit hindi niya pababayaan ang paglait sa Diyos, sapagkat natatalos ng Diyos ang loob na damdamin; tunay na tagapagmasid siya ng puso at naririnig ang anumang dila. 7 Laganap sa buong daigdig ang Espiritu ng Diyos. Siya ang nagbubuklod ng lahat ng bagay at alam niya ang bawat binibigkas. 8 Kaya hindi makaliligtas ang nagsasabi ng di-makatarungan at daratnan siya ng di mapabubulaanang paghatol. 9 Susuriin ang mga hangad ng tampalasan; makararating sa Panginoon ang sinabi niya at parurusahan ang kanyang kabuktutan. 10 Alalahanin na naririnig ng mapanibughuing tainga ang lahat ng bagay; maging ang mga bulong ay hindi maililihim. 11 Kaya pag-ingatan ang mga walang kabuluhang paratang at pigilin ang dila sa kabulaanan, sapagkat papananagutin kayo sa nasabi nang palihim; ang dilang sinungaling ay pumapatay sa kaluluwa. 12 Huwag ninyong anyayahan ang sariling kamatayan sa lisyang pamumuhay at huwag ipahamak ang sarili sa gawa ng inyong mga kamay. 13 Hindi ginawa ng Diyos ang kamatayan ni ikinalulugod ang kapahamakan ng alinmang may buhay. 14 Nilikha nga niya ang lahat ng bagay, at pampalusog ang mga kinapal sa daigdig; wala silang mapanganib na lason at walang paghahari ang kamatayan sa lupa, 15 sapagkat walang kamatayan sa katarungan. Walang ibang buhay, sabi ng makasalanan 16 Ang kamatayan ay inaanyayahang parang isang kaibigan ng mga walang takot sa Diyos; sumasaya at tumatawag sila dito. Nakikipagtipan sila rito, kaya nararapat silang mapasakanya.
Kabanata 2
[edit]Masamang Pag-iisip
1 Ang walang kabuluhang pangangatuwiran ng masama ay ganito: “Maikli at malungkot ang buhay,” wika nila sa sarili, “at wala nang lunas pagdating ng wakas ng buhay ng tao, wala na ring patay na nakakabalik mula sa libingan. 2 Pagkakataon lamang ang pagkasilang sa atin; pagkatapos, tayo'y papanaw at parang di isinilang. Ang hininga natin ay tulad lamang ng usok, at ang isipa'y parang tilamsik na mula sa pintig ng puso. 3 Pagtigil ng pintig na iyon, ang ating katawang lupa ay babalik sa alabok, at maglalaho ang ating espiritu kasama ng hanging nagdaraan. 4 Sa kalaunan, malilimot na ang ating pangalan, pati ang ating mga nagawa. Mawawala ang buhay natin, parang balumbon ng mga ulap, matutunaw na parang hamog sa init ng araw. 5 Ang buhay natin ay lumilipas na parang anino, ang araw ng pagkamatay ay hindi maiiwasan, nakatakda na iyon at wala nang makakapagbago.” 6 Sabi pa rin nila, “Kaya nga, magpakasawa tayo sa lahat ng bagay; gaya ng ginawa natin noong tayo'y bata pa at magpakasaya tayo sa kagandahan ng sangnilikha. 7 Magpakasawa tayo sa mamahaling alak at pabango, at huwag palampasin isa mang bulaklak sa panahon ng tagsibol. 8 Pitasin natin ang mga rosas bago ito malanta, at isuksok sa ating buhok habang sariwa pa ito at mabango. 9 Magsama-sama tayo sa ating pagdiriwang. Mag-iwan tayo ng bakas ng kasaysayan sa lahat ng dako, sapagkat ito'y ating buhay; ito'y ating karapatan. 10 “Apihin natin ang mahihirap kahit na sila ay matuwid. Pahirapan natin ang mga biyuda. Huwag nating igalang maging ang matatanda. 11 Ang pairalin nating batas ay ang ating lakas, sapagkat wala tayong mapapala sa pagiging mahina. 12 Tambangan natin ang mga taong matuwid, sapagkat hadlang sila sa ating mga balak. Ipinamumukha nila sa atin ang pagsuway sa kautusan, at sinasabing tayo'y nagkasala laban sa ating kaugalian. 13 Ipinagmamalaki nilang nakikilala nila ang Diyos, at sinasabing sila'y mga anak ng Panginoon. 14 Sila ang nagbibigay sa atin ng mga problema. 15 Makita lang natin sila'y balisa na tayo, sapagkat kaiba ang kanilang gawain at pamumuhay. 16 Ang palagay nila sa atin ay mababang-mababa, at nandidiri sila sa ating gawain. Sinasabi nilang kaligayahan ang wakas ng matuwid, at ipinagmamagaling na sila'y anak ng Diyos. 17 Tingnan natin kung ang sinasabi nila'y magkakatotoo, kung ano ang mangyayari sa kanila pagkamatay nila. 18 Kung ang mga matuwid ay anak nga ng Diyos, sila ay tutulungan niya at ililigtas sa mga kaaway. 19 Subukin natin silang kutyain at pahirapan, upang malaman natin kung hanggang saan ang kanilang kabutihang-loob, at kung hanggang kailan sila makakatagal. 20 Subukin nating ilagay sila sa bingit ng kamatayan, dahil ang sabi nila ay iingatan sila ng Diyos.” 21 Iyon ang pangangatuwiran ng masasama, ngunit sila'y nagkakamali, sapagkat binubulag sila ng kanilang kasamaan. 22 Hindi nila nabatid ang lihim na panukala ng Diyos. Hindi sila umasa sa gantimpala ng kabanalan, hindi naisip ang magandang wakas ng malinis na pamumuhay. 23 Sapagkat ang tao'y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi upang maging larawan niyang buháy. 24 Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya.