Pahimakas ni Dr. José Rizal

From Wikisource
Jump to navigation Jump to search
Pahimakas ni Dr. José Rizal  (1905) 
by José Rizal, translated by Andrés Bonifacio

Pinipintuho kong Bayan ay paalam,
lupang iniirog ñg sikat ñg araw,
mutiang mahalaga sa dagat Silañgan,
kalualhatiang sa ami'y pumanaw.

Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging mariñgal man at labis alindog
sa kagaliñgan mo ay akin ding handog.

Sa pakikidigma at pamimiyapis
ang alay ñg iba'y ang buhay na kipkip,
walang agam-agam, maluag sa dibdib,
matamis sa puso at di ikahapis.

Saan man mautas ay di kailañgan,
cípres ó laurel, lirio ma'y patuñgan
pakikipaghamok, at ang bibitayan,
yaon ay gayon din kung hiling ñg Bayan.

Ako'y mamatay, ñgayong namamalas
na sa silañganan ay namamanaag
yaong maligayang araw na sisikat
sa likod ñg luksang nagtabing na ulap.

Ang kulay na pula kung kinakailañgan
na maitim sa iyong liway-way,
dugo ko'y isabog at siyang ikinang
ñg kislap ñg iyong maningning na ilaw.

Ang aking adhika sapul magkaisip
ñg kasalukuyang bata pang maliit,
ay ang tanghaling ka at minsan masilip
sa dagat Silañgan hiyas na marikit.

Natuyo ang luhang sa mata'y nunukal,
taas na ang noo't walang kapootan,
walang bakás kunot ñg kapighatian
gabahid man duñgis niyong kahihiyan.

Sa kabuhayang ko ang laging gunita
maniñgas na aking ninanasa-nasa
ay guminhawa ka ang hiyaw ñg diwa
pag hiñgang papanaw ñgayong biglang-bigla.

Ikaw'y guminhawa laking kagandahang
ako'y malugmok, at ikaw ay matanghal,
hiniñga'y malagot, mabuhay ka lamang
bangkay ko'y masilong sa iyong Kalañgitan.

Kung sa libiñgang ko'y tumubong mamalas
sa malagong damo mahinhing bulaklak,
sa mañga labi mo'y mangyaring ílapat,
sa kaluluwa ko halik ay igawad.

At sa aking noo nawa'y iparamdam,
sa lamig ñg lupa ñg aking libiñgan,
ang init ñg iyong pag hiñgang dalisay
at simoy ñg iyong pag giliw na tunay.

Bayaang ang buwan sa aki'y ititig
ang liwanag niyang lamlám at tahimik,
liwayway bayaang sa aki'y ihatid
magalaw na sinag at hañging hagibis.

Kung sakasakaling bumabang humantong
sa cruz ko'y dumapo kahi't isang ibon
doon ay bayan humuning hinahon
at dalitin niya payapang panahon.

Bayaan ang niñgas ñg sikat ñg araw
ula'y pasiñgawin noong kainitan,
magbalik sa lañgit ñg boong dalisay
kalakip ñg aking pagdaing na hiyaw.

Bayaang sino man sa katotong giliw
tañgisang maagang sa buhay pagkitil:
kung tungkol sa akin ay may manalañgin
idalañgin Báyan yaring pagka himbing.

Idalañging lahat yaong nañgamatay,
nañgagtiis hirap na walang kapantay;
m̃ga iná naming walang kapalaran
na inahihibik ay kapighatian.

Ang m̃ga bao't pinapañgulila,
ang m̃ga bilangong nagsisipag dusa:
dalañginin namang kanilang mákita
ang kalayaan mong, ikagiginhawa.

At kung ang madilim na gabing mapanglaw
ay lumaganap na doon sa libiñgan't,
tañging m̃ga patay ang nañgag lalamay,
huwag bagabagin ang katahimikan.

Ang kanyang hiwaga'y huwag gambalain:
kaipala'y mariñgig doon ang taginting,
tunog ñg gitara't salterio'y mag saliw,
ako. Báyan, yao't, kita'y aawitin.

Kung ang libiñgan ko'y limót na ñg lahat
at wala ñg kruz at batóng mábakas,
bayang lina~gin ñg taong masipag,
lupa'y asarolin at kanyang ikalat.

At m̃ga buto ko ay bago matunaw
máowi sa wala at kusang maparam,
alabók ñg iyong latag ay bayaang
siya ang babalang doo'y makipisan.

Kung magka gayon na'y aalintanahin
na ako sa limot iyong ihabilin
pagka't himpapawid at ang pañganorin
m̃ga lansañgan mo'y aking lilibutin.

Matining na tunóg ako sa diñgig mo,
ilaw, m̃ga kulay, masamyong pabañgó,
ang úgong at awit, pag hibik sa iyo,
pag asang dalisay ñg pananalig ko.

Báyang iniirog, sákit niyaring hirap,
Katagalugang kong pinakaliliyag,
dingin mo ang aking pagpapahimakas:
diya'y iiwan ko sa iyo ang lahat.

Ako'y patutuñgo sa walang busabos,
walang umiinis at verdugong hayop:
pananalig doo'y di nakasasalot,
si Bathala lamang doo'y haring lubos.

Paalam, magulang at m̃ga kapatid
kapilas ñg aking kaluluwa't dibdib
m̃ga kaibigan bata pang maliit
sa aking tahanan di na masisilip.

Pag pasalamatan at napahiñga rin,
paalam estrañgerang kasuyo ko't aliw.
paalam sa inyo m̃ga ginigiliw:
¡mamatay ay siyang pagkagupiling!

  This is a translation and has a separate copyright status from the original text. The license for the translation applies to this edition only.
Original:
This work was published before January 1, 1929, and is in the public domain worldwide because the author died at least 100 years ago.
Translation:
This work was published before January 1, 1929, and is in the public domain worldwide because the author died at least 100 years ago.