Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/84

From Wikisource
This page has been proofread.

Ang nababagong obispo, na lalo pang nagalit, ay hindi na nagkasiya sa paghambalos sa tiyan, kundi pinalo na nang totohanan ang ulo ng prayle sa pag-aakalang ang bahaging ito’y siyang lalong maramdamin. Nguni’t siya’y nagkamali, Ang ulo ni Prayle Rodriguez ay ubod ng tigas, kaya nabakli ang bakulo. Sa wakas ay nawatasan na ni Prayle Rodriguez kung ano ang tunay na nangyayari. Ang kahabag-habag na prayle, na maputla pa kaysa kanyang abitong pambahay, at nanginginig at takot, ay nahandusay, at umusad-usad nang pagapang sapagka’t hindi na makatayc.

Nang makita ng nababagong tao ang kahabag-habag na kalagayan ng prayle, ay naglubag ang kanyang galit. Tinigilan, ang pagpalo at inilagay sa ibabaw ng isang hapag ang naputol na bakulo, at buong paghamak na nagbulalas:

Homo sine homine membra sine spiritu! Et iste appellatur filius meus. (“Tao ka, na wala namang pagkatao, katawan kang walang kaluluwa! At ang taong ito’y tinataguriang anak ko!”)

Nang marinig ni prayle Rodriguez ang tinig na itong tumataginting at ang mga pangungusap na yaong hindi niya nauunawa, ay lalo pa siyang nagulumihanan. At ang taong yao’y hindi maaaring maging si prayle Pedro, ni sinumang kasama niyang nagbabalat-kayo! Aba, talagang hindi maaari!

Et tamen — ang patuloy ng naiiba — tanta est vanitas vestra, ut ante me, Patrem vestrum ... sed video, loquor et non audis! (“Gayon man, ay kay laki ng iyong pagmamarangya kahit na ikaw ay nasa aking harap ... nguni’t napapansin kong ako’y nagsasalita at hindi mo nawawatasan ang aking sinasabi.’’)

At nayayamot na umiling-iling, Makaraan ang ilang saglit ay nagsalita sa wikang kastila na may himig na tagaibang-lupa:

— Kayo ba ang tumatawag sa inyong sarili na mga anak ko? At dumating na ba sa sukdulan ang inyong kapalaluan na hindi lamang ninyo hinahangad na kayo’y katakutan at sambahin ng mga namamahala at pinamamahalaan, kundi pati ako ay hindi na ninyo pinagpipitaganan? Hindi ba ninyo pinagpapahamakan ang aking pangalan, at pinagmamalabisan ang aking mga karapatan? Sa anong kalagayan natagpuan ko kayo? Mga tampalasan sa mga sawimpalad, at mga duwag sa mga hindi natatakot sa inyo. Surge et audi! (“Tindig at makinig!’’)

75