Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/70

From Wikisource
This page has been proofread.

Kami'y nagkakaniig, na kung di man nang may kapalagayang-loob, ay may malaking kaluwagan at katapatan. Dahil dito, ang impo niya'y madalas na napapatingin sa amin, at may anyong parang nagsasabing: Kay daling naging magkaibigan ng mga batang ito!

At may katuwiran siya! Walang gaya ng kamusmusan o ng kabataan sa paghigpit ng pagkamagkaibigan. Sinuma'y makapagsasabing sa gulang na iyan, ang mga puso'y totoong puno ng pagtitiwala't damdaming masintahin, kaya sa bahagyang pagkakadaiti'y kagyat na kumakalat. Kung hindi kayo naniniwala ay sumakay kayo sa malalaking sasakyang-dagat na gumagawa ng mahahabang paglalakbay at dumadaong sa iba't ibang pook. Doo'y makakikita kayo ng mga lalaki't babae ng lahat ng lahi't bansa, maririnig ninyong sinasalita sa lahat ng dako ang pranses, ingles, kastila, aleman, italyano at iba pa. Sapul sa unang araw, ang mga batang hindi nag-aakalang sila'y nasasailalim ng isang watawat bagkus pa nga'y nag-aakalang sila'y mamamayan ng daigdig ay nagtitipun-tipon, naglalarong magkakasama, nagtatakbuhan, nagsisigawa't nagkakaguluhan, at kung sila'y nagtataka dahil sa hindi sila nagkakaunawaan sa sariling wika, ang ginagamit nila'y ibang wikang pandaigdig gaya ng wika ng katuwaan at ng puso. Ang mga dalaga't binata, ay! sila'y gumagaya na sa mga taong magugulang, nagpaparaan ng ilang araw, at ang pagkakaibigan nila'y nagiging matalik, humigit-kumulang, sang-ayon sa kung sila'y nagkakaunawaan o kaya'y nagkakagaanan ng dugo. Sa kabilang dako, upang ang mga lalaking may ganap na gulang ay mag-usap ay kinakailangan ng isang pangyayaring hindi sinasadya o sila'y pagkilalanin ng ibang taong nagiging parang tagapanagot ng pagkamarangal ng ipinakilala niya. Sila'y mga taong ganap sa gulang at may karapatang maghinala sa isa't isa!

Pagbalikan natin ang matigatig na sulyap ng impo. Sinasabi kong wari'y aking nararamdaman na iyon ay patama sa akin, lalung-lalo na nang siya'y tila tumingin sa araw na noo'y nagpapalagos ng ilang sinag sa pagitan ng mga dahon, at bumulalas:

— Mag-iikalabing dalawa na pala ng tanghali, Minang; tanghali na at kailangan nang tayo'y umuwi. Tipunin mo ang iyong mga damit at magbibihis tayo doon sa dampa sa harap.

Sinimulan niyang tipunin ang kanyang mga hiyas at iba pang gamit, isinuot ang magarang bakyang yari sa Binyang, ibinalot

61