Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/40

From Wikisource
This page has been proofread.

Sa gayo'y nahuhulo ang pagsusumakit sa pagbubukas ng mga lansangan, mga tunel o daan sa ilalim ng lupa, mga landas; ang paggawa ng mga tulay, sasakyang-dagat, tren at daang-bakal, at dahil sa tila ang lupa'y nagiging maliit para sa gayon karaming pagkilos ay nilulusob pati ng himpapawid na hindi pa natatagalang isang kahariang sarili lamang ng mga ibon at mga ulap.

Dahil dito'y naglalakbay, nandarayuhang payao't dito ang lahat ng mga nilikha sa lupa, buhat sa kulisap na may pakpak na nagpapalipat-lipat sa mga bulaklak, sa mga halaman at sa mga pastulan hanggang sa daigdig, iyang maliit na manlalakbay sa kalawakang walang hangga, gaya ng langay-langayan kapag humahanap ng lalong mabubuting singaw, ng binhing tinatangay ng hangin, ng isda sa mga di-kilalang kailaliman ng mga dagat, o ng taong tumutuklas at kumikilala ng malalawak niyang mga nasasakupan.

Binuksan na ng Indiya ang kanyang mga dakilang templo at ipinakikita ang mga diyus-diyusan niyang pagkalalakí gaya ng Tsina, na nagbukas ng mga pinto ng kanyang mga kuta at ibinubunyag ang mga likha at ani niyang pambihira't kahanga-hanga. Binubuksan ng Aprika at ng Polo Norte ang malalawak nilang ilang at sa loob ng maikling panaho'y uupo sila sa piging ng pagkakaunlad, at ang mga pinagkakautangan nila ng kanilang pagkakasulong at kaligayaha'y sina Livingstone, Stanley at Nordens Kjolo.9

LAONG-LAAN10



9 Sina Livingstone, Stanley at Nordens Kjolo, ay mga bantog na manunuklas ng mga di-kilalang mga lupain na nakarating sa Aprika at sa Polo Norte.

10 Ito'y pamagat sa panunulat ni Rizal.




31