Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/29

From Wikisource
This page has been proofread.


yo'y nalalayo sa kanya, simula ng isang malupit na karamdamang tinatawag na "nostalgia" (matinding pag-aalaala sa sariling tahanan o bayan).

O! Kailanma'y huwag ninyong pasakitang-loob ang tagaibang lupa, ang umaahon sa inyong mga dalampasigan; huwag ninyong gisingin sa kanya ang buhay na gunita ng kanyang bayan, ng mga ligaya sa kanyang tahanan, sapagka't kung magkakagayon, sila'y mga sawimpalad ng gigisingin ninyo sa kanila ang karamdamang yaon, masugid na multong hindi hihiwalay sa kanila hanggang hindi masilayan ang tinubuang lupa, o hanggang sa tumugpa sa bingit ng hukay.

Huwag kayong magbuhos kailanman ng isang patak ng kapaitan sa kanyang puso, palibhasa'y sa ganitong mga pagkakataon ay nag-iibayo ang mga dalamhati kung ihahambing sa mga kaligayahan sa nawalang tahanan.

Tayo nga'y ipinanganganak, lumalaki, tumatanda, at namamatay na nagsisimpan ng banal na damdaming ito. Ito kaipala'y siyang lalong nananatili, kung mayroon mang kapanatilihan sa puso ng tao, at tila hindi siya humihiwalay sa atin kahit na sa libingan na rin. Si Napoleon, nang nakikinikinita na niya ang madilim na kailaliman ng libingan, ay nakagunita sa kanyang Pransiya, na labis niyang pinakamahal, at sa pagkakatapo'y pinaghabilinan niya ng kanyang mga labí, sa pananalig na sa sinapupunan ng kanyang inang-bayan ay makakasumpong ng lalong matamis na pagpapahingalay.

Si Ovidio, na lalong kulang-palad, sa pagguguniguning kahit na ang mga abo niya'y hindi na makababalik sa Roma, ay naghihingalo sa Ponto Euxino, at inaaliw ang sarili sa pag-aalaalang kung hindi man siya, ang mga tula man lamang niya'y makamamalas sa kapitolyo.

Noong bata pa tayo'y nawili tayo sa mga laro; nang magbibinata na'y nalimot na natin ang mga yaon; nang magbinata na'y humanap tayo ng ating pangarap; nang mabigo naman tayo'y tinangisan 'natin ito; at tayo'y humanap ng lalong tunay at lalong kapaki-pakinabang; nang tayo'y maging ama na'y namatayan tayo ng mga anak at pinapawi ng panahon ang ating hapis, gaya ng pagpawi ng hangin sa dagat sa mga baybayin habang nalalayo sa mga ito ang sasakyan.

20