Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/187

From Wikisource
This page has been proofread.


takas buhat doon sa pamamagitan ng isang kababalaghan, upang sa sumunod na taon ay magpasiklab sa digmaan sa Leyte at Kagayan. Kung tutoo man o hindi ang mga alingawngaw na ito, ay walang makapagsabi noon, gaya rin ngayon; ang mga paghihinala at mga bulaang bulung-bulungan ay karaniwan noon, at hindi bihira ang mga walang malay na pinaratangan o pinaghinalaan na nagwawakas, gaya rin ngayon, sa pagtungo sa hindi maabot ng batas upang maligtas sa mga panliligalig at pagpapahirap na siyang lagi nang buntot ng gayong mga paratang. Gayunman, alang-alang sa katotohanan ay sasabihin naming si Kamandagan ay wala. sa Maynila nang mangyari ang mga kaguluhang nabanggit.

Bilang bunga ng pananalakay sa Pormosa noong 1629 ay napilitan si Maambun na lisanin ang angkan niya at makisama sa mga kawal na nandayuhan, nguni't siya'y napatay sa pagsalakay sa Tanchuy. Sa dahilang ang mga apo ni Kamandagan ay ulila na sa ama, siya'y napilitang tumigil sa mga mahiwagang paglalakbay at tumira sa piling ng mga iyon, na maglalabing-isang taong gulang lamang.

Gayon sila namuhay ng tatlo o apat na taon at ang magkakapatid na babae'y nagsilaking napakakaganda at napakakaakit-akit, kaya't nakatawag sila ng pansin, hindi lamang ng Kura sa Bay kundi ng Enkomendero rin naman, na nag-utos na dalhin sa kanya ang mga dalaga. Gaya ng sukat asahan ay hindi pumayag si Kamandagan at ang mga utusan, sa gayon, ay nangagtangkang gumamit ng lakas, datapuwa't sa masamang pagkakataon ay napatay ng matandang Kamandagan, sa pamamagitan ng isang tulos na binunot sa bakod, ang dalawa sa kanila, at binayaang tumakas ang iba upang makapagbalita sa enkomendero at nang ito'y siya nang tumungo roon, sang-ayon sa sabi niya. Walang anumang pagkaligalig o pagmamadali ay isinakay ang ina at ang dalawang magkapatid sa isang paraw upang tumungo sa Maynila at nang doon sila maghintay sa kanya.

Ang enkomendero sa Bay ay hindi pumaroon; datapuwa't pinaghanap si Kamandagan, na buhat noo'y nawala na.

Nanirahan sila sa matandang bahay ng kanilang mga magulang at yao'y naratnan nilang halos giba-giba na. Pagkaraan ng ilang buwan ay namatay ang kanilang ina, at sa sandaling nagsisimula ang ating kasaysayan ay matatagpuan pa nating nakaluksa ang dalawang magkapatid na babae.

178