sapagka't poot sa kanya ang lahat niyang sakop at sawang-sawa na sa kanya ang bayan. Sa mukha lamang ng isang tagasulat tila niya nasiglawan ang awa, sa mukha ni Isagani, nguni't awang walang kibo, awang walang kabuluhan, paris ng awang nakaguhit sa mukha ng isang larawan.
Upang mailihim ang pangamba at takot, ay nagtapang-tapangan at naggalit-galitan. Nagmasid sa paligid at naalaala ang utos ng kura tungkol sa susunod na linggo de Ramos. Pinagwikaan nga ang mga kabisa at inuusig sa kanila ang kawayan at haliging gamit sa maligay. Tinamaan silang lahat ng lintik at ang ibig nila'y makagalitan ng kura. Palibhasa'y hindi sila ang mananagot. Ano ang ginagawa ng mga kinulugan at hindi nagpahakot ng kawayan? Itatali ba nila sa langit ang tolda? Ipahahampas niya silang lahat ng tig-iisang kaban kapag siya'y nakagalitan ng kura sa kagagawan nila . . .
Iba't iba pa ang sinabi at sa paggagalit-galita'y nang matapos ay tunay na ngang galit. Ang sagot ng mga kabisa'y may panahon pang labis, sapagka't kung ipapuputol agad ang kawayan at haligi'y matatalaksan lamang, siyang ikagagalit ng among at baka sila'y hagarin ng palo, paris na nga ng Kandelariyang nagdaan.
Sa ngalan ng kura, hindi na nakaimik si Kap. Lucas, lalong-lalo na nang mabanggit ang panghahagad ng palo. Nakinikinita niya sa likod ang kalabog ng garroteng pamalo. Nanglambot at nag-akalang umuwi't magdahilang maysakit, nguni't sumilid sa loob niyang baka lalong magalit ang pare dahil sa di niya paghalik sa kamay. Maurong-masulong ang kanyang kalooban, kunot ang noo, ang dalawang daling noong kaloob sa kanya ng Diyos! nagtatalo ang loob niya sa dalawang takot, sa bulas ng kura nakaharap ang lahat, at sa galit ng kurang hindi siya papagkapitaning muli.
Siya ngang pagdating ng isang alila ng paring nagdudumali.
—Dali na po kayo ang ― sabi sa Kapitan ― at kayo po ay inaantay. Totoo pong mainit ang ulo ngayon!
—Ha, inaantay ba kami — ang sagot na baliw ni Kap. Lucas, na matulig-tulig — Oy! dali na kayo —ang sabi sa mga kabisa —narinig na ninyo: tayo raw ang inaantay . . .
—Aba, kayo ang inaantay namin, ang sagot ng mga kabisa —kanina papo kaming . . .