Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/111

From Wikisource
This page has been proofread.

Kapag ang mga dukhang taong bukid na naninirahan sa mga libis ng Makiling2 ay nangangailangan ng damit o hiyas para sa anumang pista o pagdiriwang, ang mga ito'y ipinahihiram sa kanila ni Mariang Makiling nguni't nangangako silang isasauli ang ipinahiram at isa pa'y magkakaloob sila ng isang manok na simputi ng gatas, at kailanma'y hindi pa nakapangingitlog; sa ibang sabi'y isang dumalaga. Lubhang mapagbigay at maganda ang kalooban niya. Makailan niyang tulungan ang mga maralita't matatandang babae na napasasa-gubat upang mangahoy o mamitas ng mga bungang-kahoy. Upang ang pagtulong na ito'y maisagawa ay nag-aanyo siyang karaniwang magbubukid at inaabután sila ng mga butil ng ginto, salapi, relikaryo, at hiyas.

Isang araw ay tinutugis ng isang mangangaso ang isang baboy-ramo sa malawak na kugunan at malago't marawag na kakahuyan. Kaginsa-ginsa'y nasumpungan niya ang dampang pinagtaguan ng hayop. Biglang-biglang lumabas ang isang magandang dalaga, na panatag ang loob na nagwika sa kanya:

— Akin ang baboy-ramo at hindi tumpak ang inyong ginawang pagtugis sa kanya. Nguni't nakikita ko kayong hapung-hapo at nagdudurugo ang inyong mga bisig at mga binti. Magtuloy nga kayo, kumain kayo, at pagkatapos ay saka magpatuloy sa inyong paroroonan.

Ang mangangaso ay nagitla at natilihan. Nabighani siya sa kariktan ng dalaga; nagtuloy at nagmamadaling kumain ng lahat ng inihain sa kanya, na hindi nakapagsalita kahit isang kataga, Bago siya umalis ay inabután siya ng dalaga ng ilang putol na luya at ipinagbiling ibigay iyon sa kanyang maybahay upang maisangkap sa paggigisa. Ang mga putol ng luya ay inilagay ng mangangaso sa baat ng kanyang salakot at matapos makapagpasalamat ay umuwing tahimik na tahimik ang kalooban. Sa kalagitnaan ng daan ay naramdaman niyang bumibigat ang kanyang salakot. Dinukot niya ang ilang putol at kanyang itinapon. Datapuwa't gaano kalaki ng kanyang pagkamangha at pagdaramdam, nang sa kinabukusan ay makita ng kanyang maybahay na yaong inaakala niyang luya ay buu-buong ginto pala at nagniningning na parang kapilas ng araw.


2 Ito ang pangalan ng bundok na nasa pagitan ng Laguna at Quezon, at di mapag-aalinlanganang siyang pinagkunan ng pangalan ni Mariang Makiling, pagka't doon tumatahan ito, sang-ayon sa alamat.

102