Jump to content

Page:Mga akdang pampanitikan sa tuluyan (JRNCC, 1961, pangmadlang palimbag).pdf/103

From Wikisource
This page has been proofread.

At sa Madrid ay naririnig (sa pamamagitan ng telepono) ang kaguluhan sa kunibento ng San Agustin. At ang mabait na si Salvadorsito Font, dala ng kanyang pagkapaniwalain ay nabulalas;

— Baka pa kaya ibinilanggo na ang lahat ng aking mga kapatid dahil sa pagtanggi nilang bumasa ng mga aklat na inilalathala ng mga indiyo laban sa kanila — mga aklat na umaalipusta sa kanila, nguni’t may pahintulot naman ng mga may kapangyarihan sa simbahan! Kung aalagatain ang lahat, ay mabuti nga iyon! Sino baga ang nag-uutos sa kanilang sumagot at tumugon?

Kaming mga tagatulad at mga alagad ni Kristo, kung kami’y nilalait sa mga aklat, ay dapat kaming piliting bumasa ng mga ito, lalo na kung pinagkalooban ng mga indulhensiya, Dapat din kaming pagbawalang sumagot o magtanggol sa aming sarili. Para sa bagay na ito’y may panata kami ng pagpapalalo . . . Ngayon din ay sasadyain ko ang Ministro upang mamanhik sa kanyang iutos niyang ipahagupit ang sinumang pare sa aking relihiyon, na dahil sa kapalaluan ay hindi umaamen sa lahat ng bagay, at hindi gumagalang sa katotohanan. Sa ganitong paraan ay makikita nila, na bagama’t ako’y hangal, ay hindi naman ako kinukulang ng pagmamahal sa Katarungan. .

At hinanap niya ang kanyang mga sapatos na _ butas-butas, sapagka’t ang nakasuot sa kanya ay walang suwelas. Dapat na maglakad ang mabait na Agustino hanggang sa tanggapan ng Ministro, sapagka’t wala siya kahit na pambayad sa trambiya, At gayong siya’y nagpanata ng pagpapayaman!

— Salvadorsito, Salvadorsito! — ang sigaw buhat sa telepono.

Nakilala ni Salvadorsito ang tinig ng Prayle Probinsiyal, at siya’y nanginig, Si Salvadorsito ay lubhang masunurin.

— Mag-utos po ang inyong pagkaama! — ang isinagot niya, at siya’y nanikluhod sa tabi ng telepono upang sa ganitong anyo ay lalo siyang maging mapitagan, bagama’t ito’y ipinagbabawal sa kanya ng panata ng pagpapalalo.

— Bakit pinahintulutan mong ikaw ay tuksuhin ng kaaway ng kasamaan? Bakit mo ikinalugod, kahit na sa isang saglit lamang, ang panukalang tayo’y pagkalooban ng isang asyenda?

Bakit, anak ko? Hindi mo ba nakita na sa panukalang iyan ay natatago ang isang silong iniumang sa atin ng kaaway? Walang pagsalang ang panukalang iyon ay nagbuhat sa sinumpang si Rizal,

94