—78—
Ikalabing dalawang pangkat.
Almás
Ang mga almás na ginagamit ng mga tagarito, anáng mga unang nakakita ay pana't bosóg, sibat, sungdang, sandata'ó kris, talibong, kampilan, baluti na sungay ng kalabaw na di umano'y sa Siam nangagaling at iba't iba pa na hangang ngayo'y ginagamit ng mga moro at ng mga taong gubat. Nagsisigamit din ng sarisaring kalasag at ng mga damit na cuero at iba pa na sa labanan ay makasasangalang sa kanilang katawan.
Bukod dito'y nagsigamit ng almás na nakapagpapahilagpos ng maraming sibat, ng mga lantaka ó mga munting kanyón: kaya ng dumating rito di umano, ang mga kastila ay nangakasumpong dito sa Maynila, Kainta, Taytay at Lubang ng mga kuta na may mga lantaka ó munting kanyon.
At dito sa Maynila, anáng ibang mga mananalaysay ay nagkaroon ng pagawaan ng kanyón at ng pabubuan ng pulburá, na di umano'y wari nasa pangangasiwa ng isang portugés at ng isang tagarito na nagngangalang Panday Pira.