Ang sagot ni Fabio esposa cong irog
ang bagay na yao,i, ualin mo sa loob,
lahat nang tindahan ay aquing nalibot
ualang nauaualan houag cang malungcot.
Manga calumbayan ni Sofiang sinta
nang matanto yaong sabi nang asaua,
nasaulang muli para nang dati na
anác niya lamang siyang ala-ala.
Ngayo,i, sanglingo nang nacaalis dito
di pa bumabalic na guilio na aco,
saan cayang lugar yaon napatungo
baquin di hanapin sintang asaua co.
Ang sagot ni Fabio,i, houag cang manimdim
cun hindi narating aquing hahanapin,
di baga,i, nang malis paalam sa atin
mag hahanap búhay cacainin natin.
Totoo nga yaon sangayonan quita
mag hahanap buhay nang paalam siya,
una,i, ang pag guilio saca ang isa pa
maalman ang bigas cun saan quinuha.
Hindi na natuloy si Fabio,i, naghanap
cagyát sa darating ang canilang ánác,
nangag comustahan saca siniyasat
cun sinong nagdala daluang sacong bigas.
Aco po ang sagót mahal na iná co
ang siyang nag utos nag padala rito,
at ala-ala co,i, magugutom cayo
pinag hanapan po ang ibinili co.