Katapusang Hibik ng Filipinas

From Wikisource
Jump to navigation Jump to search
Katapusang Hibik ng Filipinas
by Andrés Bonifacio

Sumikat na, Ina sa sinisilangan
Ang araw ng poot ng Katagalugan,
Tatlong daang taong aming iningatan
sa dagat ng dusa ng karalitaan.

Walang isinuway kaming iyong anak
sa bagyong masasal ng dalita't hirap,
Iisa ang puso nitong Pilipinas
at ikaw ay di na Ina naming lahat.

Sa kapuwa Ina'y wala kang kaparis
Ang layaw ng anak: dalita't pasakit;
pag nagpatirapang sa iyo'y humibik,
lunas na gamot mo ay kasakit-sakit.

Gapusing mahigpit ang mga Tagalog;
hinain sa sikad, kulata at suntok
makinahi't ibiting parang isang hayop
ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?

Ipabilanggo mo't sa dagat itapon
barilin, lasunin, nang kami'y malipol.
sa aming Tagalog, ito baga'y hatol
Inang mahabagin, sa lahat ng kampon.

Aming tinitiis hanggang sa mamatay
bangkay nang mistula'y ayaw pang tigilan,
kaya kung ihulog sa mga libingan,
linsad na ang buto't lumuray ang laman.

Wala nang namamana itong Pilipinas
na layaw sa Ina kundi pawang hirap
tiis ay pasulong, patente'y nagkalat
recargo't impuwesto'y nagsala-salabat.

Sari-saring silo sa ami'y inisip
kasabay ng utos na tutuparing pilit
may sa alumbrado bayad kami'y tikis
kahit isang ilaw ay walang masilip.

Ang lupa at buhay na tinatahanan
bukid at tubigang kalawak-lawakan
at gayon din pati ng mga halamanan
sa paring Kastila ay binubuwisan.

Bukod pa sa rito'y ang iba't-iba pa
huwag nang saysayin, O Inang Espanya
sunod kaming lahat hanggang may hininga
Tagalog di'y siyang minamasama pa.

Ikaw nga, O Inang pabaya't sukaban
kami'y di na iyo saan man humanggan
ihanda mo, Ina, ang paglilibingan
sa mawawakawak na maraming bangkay.

Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog
ang barila't kanyong katulad ay kulog
ang sigwang masasal sa dugong aagos
ng kanilang bala na magpapamook.

Di na kailangan sa Espanya ang awa
ng mga Tagalog, O Inang kuhila
paraiso namin ang kami't mapuksa
langit mo naman kung kami'y madusta.

Paalam na Ina, itong Pilipinas,
paalam na Ina, itong nasa hirap,
paalam, paalam, Inang walang habag,
paalam na ngayon, katapusang tawag.

This work was published before January 1, 1929, and is in the public domain worldwide because the author died at least 100 years ago.

Public domainPublic domainfalsefalse