Kartilya

From Wikisource
Jump to navigation Jump to search
Kartilya
by Emilio Jacinto

Ang kabuhayan hindi ginugugol sa isang malaki
at banal na kadahilanan ay kahoy na walang
lilim kundi man damong makamandag.

Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita
sa sarili at hindi sa talagang nasang gumawa
ng kagalingan ay di kabaitan.

Ang tunay na kabanalan ay ang
pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa, at
ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap
sa talagang Katwiran.

Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat
ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang
isa'y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda,
ngunit di mahihigit sa pagkatao.

Ang may mataas na kalooban, inuuna ang puri
kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na
kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili kaysa
puri.

Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.

Huwag mong sasayangin ang panahon; ang
yamang mawala'y mangyayaring magbalik;
ngunit panahong nagdaan na'y di na muli pang
magdadaan.

Ipagtanggol mo ang inaapi at kabakahin ang
umaapi.

Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat
sasabihin; at natutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang
patnugot ng asawa't mga anak; kung ang
umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan
ng inaakay ay kasamaan din.

Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay
na libangan lamang kundi isang katuwang at
karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan;
gamitin mo nang buong pagpipitagan ang
kanyang kahinaan at alalahanin ang inang
pinagbuhata't nag-iwi sa iyong kasanggulan.

Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak, at
kapatid ay huwag mong gagawin sa asawa, anak
at kapatid ng iba.

Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala
sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa
pagka-paring kahalili ng Diyos, wala sa mataas
na kalagayan sa balat ng lupa. Wagas at tunay
na mahal na tao kahit laking-gubat at walang
nababatid kundi ang sariling wika; yaong may
magandang asal, may isang pangungusap, may
dangal at puri; yaong di napaaapi't di nakikiapi;
yaong marunong magdamdam at marunong
lumingap sa bayang tinubuan.

This work was published before January 1, 1929, and is in the public domain worldwide because the author died at least 100 years ago.

Public domainPublic domainfalsefalse