Huag Acong Salangin Nino Man/5
Nasasalas ang mang̃agsisicain, sa guitnâ ng̃ lubháng malalakíng mg̃a salamín at na ng̃agníningning na mg̃a araña[19]: at doon sa ibabaw ng̃ isáng tarimang[20] pino[21] ay may isáng mainam na "piano de cola"[22], na ang halaga'y camalácmalác, at lalò ng̃ mahalagá ng̃ gabíng itó, sa pagca't sino ma'y walang tumútugtog. Doo'y may isáng larawang "al óleo"[23] ng̃ isáng lalaking makisig, nacafrac, unát, matuwíd, timbáng na tulad sa bastóng may borlas na tagláy sa mg̃a matitigás na daliring puspós ng̃ mg̃a sinsíng: wari'y sinasabi ng̃ larawan:
—¡Ehem! ¡masdán ninyó cung gaano carami ang suot co at aco'y hindî tumatawa!
Magagandá ang mg̃a casangcapan, baga man marahil ay hindî maguinhawahang gamitin at nacasasamâ pa sa catawan: hindî ng̃â ang icaiilag sa sakít ng̃ canyáng mg̃a inaanyayahan ang naiisip ng̃ may-arì, cung dî ang sariling pagmamarikít.—¡Tunay at cakilakilabot na bagay ang pag-iilaguín, datapowa't cayó namá'y umuúpô sa mg̃a sillóng gawáng Europa, at hindî palaguing macacátagpò cayó ng̃ ganyán!—itó marahil ang sinasabi niya sa canilá.
Halos punô ng̃ tao ang salas: hiwaláy ang mg̃a lalaki sa mg̃a babae, tulad sa mg̃a sambahang católico at sa mg̃a sinagoga[24]. Ang mg̃a babae ay iláng mg̃a dalagang ang iba'y filipina at ang iba'y española: binúbucsan nila ang bibíg upang piguilin ang isáng hicáb; ng̃uni't pagdaca'y tinátacpan nilá ng̃ caniláng mg̃a abanico; bahagyâ na nang̃agbubulung̃an ng̃ iláng mg̃a pananalitâ; anó mang pag-uusap na ipinagsúsumalang pasimulán, pagdaca'y naluluoy sa iláng putól-putól na sábi; catulad niyáng mg̃a ing̃ay na náriring̃ig cung gabí sa isáng bahay, mg̃a ing̃ay na gawâ ng̃ mg̃a dagâ at ng̃ mg̃a butikî. ¿Bacâ cayâ naman ang mg̃a larawan ng̃ mg̃a iba't ibang mg̃a "Nuestra Señora"[25] na nagsabit sa mg̃a pader ang siyang ninilit sa mg̃a dalagang iyong huwag umimíc at magpacahinhíng lubós, ó dito'y talagang natatang̃ì ang mg̃a babae?