Ang Pahayag ni Juan
Kabanata 1
[edit]Panimula
1 Ang pahayag ni Jesu-Cristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya upang ipahayag sa kaniyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari sa madaling panahon, at kaniyang ipinaalam ito sa pamamagitan ng mga sagisag at pagsusugo ng kaniyang anghel sa kaniyang aliping si Juan,
2 na siyang sumaksi sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesu-Cristo, sa lahat ng bagay na nakita niya.
3 Mapalad ang bumabasa at ang nakikinig ng mga salita ng propesiya at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito, sapagkat ang panahon ay malapit na.
Pagbati sa Pitong Simbahan
4 Si Juan sa pitong simbahan na nasa Asia:
Biyaya ang sumainyo at kapayapaang mula sa kaniya na siyang ngayon, ang nakaraan at ang darating; at mula sa pitong espiritu na nasa harapan ng kaniyang trono;
5 at mula kay Jesu-Cristo na siyang saksing tapat, ang panganay mula sa mga patay, at ang pinuno ng mga hari sa lupa.
Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang dugo;
6 at ginawa tayong kaharian, mga pari sa kaniyang Diyos at Ama; sumakaniya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailanpaman. Amen.
7 Tingnan ninyo, siya'y dumarating na nasa mga ulap;
- at makikita siya ng bawat mata,
at ng mga umulos sa kaniya;
- at ang lahat ng mga lipi sa lupa ay tatangis dahil sa kaniya.
Gayon nga. Amen.
8 “Ako ang Alpha at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos, na siyang ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan sa lahat.
Si Cristo sa Isang Pangitain
9 Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus ay nasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus.
10 Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na tulad sa isang trumpeta,
11 na nagsasabi, “Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong simbahan, sa Efeso, sa Smirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardis, sa Filadelfia, at sa Laodicea.”
12 Ako'y lumingon upang makita kung kanino ang tinig na nagsasalita sa akin. At sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong ilawan,
13 at sa gitna ng mga ilawan ay may isang katulad ng isang Anak ng Tao, na may suot na damit na hanggang sa paa, at may gintong bigkis sa kaniyang dibdib.
14 At ang kaniyang ulo at ang kaniyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibo ng tupa, gaya ng niyebe; at ang kaniyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy;
15 at ang kaniyang mga paa ay katulad ng tansong pinakintab, na parang dinalisay sa isang pugon; at ang kaniyang tinig ay gaya ng ingay ng maraming tubig.
16 Sa kaniyang kanang kamay ay may pitong bituin at mula sa kaniyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw na matinding sumisikat.
17 Nang siya'y aking makita, ako'y parang patay na bumagsak sa kaniyang paanan. Ngunit ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay, na sinasabi, “Huwag kang matakot; ako ang una at ang huli,
18 at ang nabubuhay. Ako'y namatay, at tingnan mo, ako'y nabubuhay magpakailanpaman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.
19 Kaya't isulat mo ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari pagkatapos ng mga bagay na ito.
20 Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ang pitong gintong ilawan; ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong simbahan; at ang pitong ilawan ay ang pitong simbahan.
Kabanata 2
[edit]Ang Mensahe sa Efeso
1 “Sa sugo ng simbahan sa Efeso ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kaniyang kanang kamay, na lumalakad sa gitna ng pitong gintong ilawan.
2 “Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong paggawa at pagtitiyaga, at hindi mo mapagtiisan ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagsasabing sila'y mga apostol, ngunit sila'y hindi gayon, at natuklasan mo silang pawang mga sinungaling.
3 Alam ko ring ikaw ay may pagtitiis at nagsikap ka dahil sa aking pangalan, at hindi ka napagod.
4 Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: iniwan mo ang iyong unang pag-ibig.
5 Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, magsisi ka at gawin mo ang mga bagay na ginawa mo noong una. Kung hindi, darating ako sa iyo at aalisin ko ang iyong ilawan mula sa kinalalagyan nito, malibang magsisi ka.
6 Ngunit ito ang mabuti na nasa iyo: kinapopootan mo ang mga gawa ng mga Nicolaita na kinapopootan ko rin.
7 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga simbahan. Ang magtagumpay ay siya kong pakakainin sa punungkahoy ng buhay na nasa paraiso ng Diyos.
Ang Mensahe sa Smirna
8 “At sa sugo ng simbahan sa Smirna ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng una at ng huli, na namatay at muling nabuhay.
9 “Alam ko ang iyong kapighatian, at ang iyong karalitaan, ngunit ikaw ay mayaman. Alam ko ang paninirang-puri ng mga nagsasabing sila'y mga Judio ngunit hindi naman, kundi sila ay isang sinagoga ni Satanas.
10 Huwag mong katakutan ang mga bagay na malapit mo nang danasin. Malapit nang ikulong ng diyablo ang ilan sa inyo, upang kayo'y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatian sa loob ng sampung araw. Maging tapat ka hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay.
11 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga simbahan. Ang magtagumpay ay hindi masasaktan ng ikalawang kamatayan.
Ang Mensahe sa Pergamo
12 “At sa sugo ng simbahan sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim.
13 “Alam ko kung saan ka naninirahan, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Ngunit iniingatan mong mabuti ang aking pangalan, at hindi mo ipinagkaila ang pananampalataya mo sa akin[1], kahit nang mga araw ni Antipas na aking tapat na saksi, na pinatay sa gitna ninyo, kung saan nakatira si Satanas.
14 Subalit mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo: sapagkat mayroon ka diyang ilan na nanghahawak sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balak na maglagay ng katitisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang kumain sila ng mga bagay na inihandog sa mga diyos-diyosan at upang makiapid.
15 Gayundin naman, mayroon kang ilan na nanghahawak sa aral ng mga Nicolaita.
16 Kaya't magsisi ka. Kung hindi, madali akong darating sa iyo, at didigmain ko sila ng tabak ng aking bibig.
17 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga simbahan. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong mana, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa ibabaw ng bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap.
Ang Mensahe sa Tiatira
18 “At sa sugo ng simbahan sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Diyos, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kaniyang mga paa ay gaya ng tansong pinakintab.
19 “Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong pag-ibig, pananampalataya, paglilingkod at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kaysa mga una.
20 Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na tinatawag ang kaniyang sarili na propeta at kaniyang tinuturuan at nililinlang ang aking mga alipin upang makiapid at kumain ng mga bagay na inihandog sa mga diyos-diyosan.
21 Binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; ngunit ayaw niyang magsisi sa kaniyang pakikiapid.
22 Akin siyang iniraratay sa higaan at ang mga nakikiapid sa kaniya ay ihahagis ko sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisi sa kaniyang mga gawa.
23 Papatayin ko ng salot ang kaniyang mga anak. At malalaman ng lahat ng mga simbahan na ako ang sumisiyasat ng mga pag-iisip at ng mga puso, at bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa.
24 Subalit sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa mga hindi nagtataglay ng aral na ito, sa mga hindi natuto ng gaya ng sinasabi ng iba ‘na mga malalalim na bagay ni Satanas,’ hindi ako naglalagay sa inyo ng ibang pabigat.
25 Gayunma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y dumating.
26 Sa bawat nagtatagumpay at tumutupad ng aking mga gawa hanggang sa wakas,
ay bibigyan ko ng pamamahala sa mga bansa; 27 at sila'y pangungunahan niya sa pamamagitan ng isang pamalong bakal,
- gaya ng pagkadurog ng mga palayok,
28 kung paanong tumanggap din ako ng kapangyarihan mula sa aking Ama; ay ibibigay ko sa kaniya ang tala sa umaga.
29 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga simbahan.
Kabanata 3
[edit]1 At sa anghel ng simbahan sa Sardis, isulat mo: "Ito ang sinasabi ng nagtataglay ng pitong espiritu ng Diyos at ng pitong bituin: 'Alam ko ang iyong mga gawa, na mayroon kang reputasyon na buhay ka, ngunit patay ka. 2 Magbangon ka, at ingatan mo ang mga bagay na natitira, na inilalaglag mo na, sapagkat hindi ko nakikita ang kahit na anong gawain mong lubos na nagustuhan ng aking Diyos. 3 Kaya't alalahanin mo kung paano mo tinanggap at narinig ang mga ito. Ingatan mo ito at magsisi ka. Kung hindi ka magbabantay, darating ako tulad ng magnanakaw, at hindi mo malalaman ang oras na darating ako sa iyo. 4 Gayunman, mayroon kang ilang pangalan sa Sardis na hindi nagpapapangit ng kanilang mga kasuotan. Sila'y lalakad kasama ko sa puti, sapagkat sila'y karapat-dapat. 5 Ang nagtagumpay ay magiging nakabaluti ng damit na puti, at hindi ko kailanman mabubura ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay, at aking kikilalanin ang kanyang pangalan sa harap ng aking Ama, at sa harap ng kanyang mga anghel. 6 Ang may pakinig, dinggin niya ang sinasabi ng Espiritu sa mga simbahan.
7 "Sa anghel ng kongregasyon sa Filadelfia, isulat mo: 'Ito ang sinasabi ng Banal at Tunay, ang may susi ni David, ang bukas ay walang makapagsara at nagsasara ay walang makapagbukas:
Kabanata 12
[edit]1 At lumabas ang isang dakilang tanda sa langit. Isang babaeng nararamtan ng araw. Ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa. Sa kaniyang ulo ay may isang putong na may labindalawang bituin. 2 At siya ay nagdalangtao. Sumisigaw siya sa sakit ng panganganak dahil manganganak na siya. 3 At lumabas ang isa pang tanda sa langit. At narito, isang dakilang pulang dragon. Ito ay may pitong ulo at sampung sungay. May pitong koronang panghari sa kaniyang ulo. 4 Hinihila ng kaniyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit. Inihagis niya ang mga ito sa lupa. Nakatayo ang dragon sa harapan ng babae na manganganak na, upang kapag siya ay nakapanganak na, kakainin niya ang anak. 5 Nagsilang siya ng isang batang lalaki. Siya ang magpapastol sa mga bansa sa pamamagitan ng isang pamalong bakal. Inagaw ang kaniyang anak patungo sa Diyos at sa kaniyang trono. 6 Tumakas ang babae papuntang ilang. Naghanda ang Diyos ng dako para sa kaniya upang alagaan siya ng mga tao roon sa loob ng isang libo dalawangdaan at animnapung araw. 7 Nagdigmaan sa langit. Nakipagdigma si Miguel at ang kaniyang mga anghel laban sa dragon. Lumaban sa kanila ang dragon at ang mga anghel niya. 8 Ngunit hindi sila nagtagumpay, ni wala nang lugar sa langit para sa kanila. 9 Itinapon palabas ang isang napakalaking dragon. Siya iyong ahas na mula pa noong unang panahon na ang tawag ay Diyablo at Satanas. Siya yaong nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa at itinapon ding kasama niya ang kaniyang mga anghel. 10 Narinig ko ang isang malakas na tinig na nagsasalita sa langit. Sinabi nito: Dumating na ngayon ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang paghahari ng Diyos. Ang kapamahalaan ng kaniyang Mesiyas ay dumating sapagkat naihulog na nila ang sumasakdal sa ating mga kapatid. Siya iyong sumasakdal sa kanila sa harapan ng Diyos gabi at araw. 11 Sila ay nilupig nila sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at sa pamamagitan ng salita ng kanilang mga patotoo. Hindi nila minahal ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan. 12 Dahil dito, magalak kayong mga langit at kayong mga nananahan sa langit. Kaabahan sa inyo na nananahan sa lupa at sa dagat sapagkat ang diyablo ay bumaba na sa inyo. Siya ay may matinding poot dahil alam niyang maikli na ang kaniyang panahon. 13 Nang makita ng dragon na inihagis siya ng Diyos sa lupa, inusig niya ang babae na nagsilang ng batang lalaki. 14 Binigyan ang babae ng dalawang pakpak ng malaking agila upang lumipad siya sa ilang. Doon ay aalagaan siya sa loob ng panahon, ng mga panahon at kalahating panahon mula sa harap ng ahas. 15 Pagkatapos, nagpadala ang ahas ng isang napakalaking ilog mula sa kaniyang bibig upang makuha ang babae. Ipinadala niya ito upang tangayin ang babae. 16 Ngunit tinulungan ng lupa ang babae ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig, hinigop ang ilog na ipinadala ng dragon mula sa kaniyang bibig. 17 Nagalit ang dragon sa babae. Yumaon siya upang makipagdigma sa mga naiwang anak na mula sa kaniya. Sila iyong mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at taglay ang patotoo ni Jesucristo.
Talababa
[edit]- ↑ o ang aking pananampalataya