Ang Matampuhin
Damong makahiya na munting masanggi’y
nangunguyumpis na’t buong nakikimi,
matalsikan lamang hamog na konti’t
halik ng amiha’y mabigla sa dampi
mga kinaliskis na daho’y tutupi’t
tila na totoong lanta na’t uns’yami.
Mutyang balintataw ng buwang maningning
sa salang mabiro ng masayang hangi’y
pipikit na agad sa likod ng dilim,
panakaw-nakaw na sa lupa’y titingin,
sa tanaw ng ulap at ng panganorin.
Malinaw na batis ng mahinhing bukal
na napalalabo ng bahagyang ulan,
kahit dahong tuyo na malaglag lamang
ay nagdaramdam nang tila nasugatan;
isang munting batong sa kanya’y magalaw
ay dumaraing na at natitigilan.
Matingkad na kulay ng mayuming sutlang
kay-sarap damitin at napakagara,
munting mapatakan ng hamog o luha,
ay natulukot na’t agad namumutla;
salang malibangan sa taguang sadya’ y
pinamamahayan ng ipis at tanga.
Kalapating puting may batik sa pakpak,
munting makalaya’y malayo ang lipad;
habang masagana sa sariling pugad,
ay napakaamo at di lumalayas;
nguni, pag sa palay ay minsang manalat,
sa may-alagad man ay nagmamailap.
Oh, Pusong tampuhin! Ang langit ng buhay
ay wala sa pusong laging mapagdamdam;
hindi nagluluwat ang kapayapaang
mamahay sa palad na hubad sa lumbay;
lalo sa pag-irog, ang tampo’y di bagay
kaning maya’t-maya at, nakamamatay!
This work is first published in the Philippines and is now in the public domain because its copyright protection has expired by virtue of the Intellectual Property Code of the Philippines. The work meets one of the following criteria:
|