Ang Dating Bibliya (1905)/Malakias
Kabatana 1
[edit]1Ang hula na salita ng Panginoon sa Israel sa pamamagitan ni Malakias.
2Inibig ko kayo, sabi ng Panginoon. Gayon ma'y inyong sinasabi, Sa ano mo kami inibig? Hindi baga si Esau ay kapatid ni Jacob? sabi ng Panginoon: gayon ma'y inibig ko si Jacob;
3Nguni't si Esau ay aking kinapootan, at ginawa ko ang kaniyang mga bundok na isang kasiraan, at ibinigay ko ang kaniyang mana sa mga chakal sa ilang.
4Yamang sabi ng Edom, Tayo'y nangabagsak, nguni't mangagbabalik tayo, at ating itatayo ang mga wasak na dako; ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sila'y mangagtatayo, nguni't aking ibabagsak; at tatawagin sila ng mga tao, Ang hangganan ng kasamaan, at Ang bayang kinagalitan ng Panginoon magpakailan man.
5At makikita ng inyong mga mata, at inyong sasabihin, Dakilain ang Panginoon sa dako roon ng hangganan ng Israel.
6Iginagalang ng anak ang kaniyang ama, at ng alila ang kaniyang panginoon: kung ako nga'y ama, saan nandoon ang aking dangal? at kung ako'y panginoon, saan nandoon ang takot sa akin? sabi ng Panginoon ng mga hukbo sa inyo, Oh mga saserdote, na nagsisihamak ng aking pangalan. At inyong sinasabi, Sa ano namin hinamak ang iyong pangalan?
7Kayo'y nangaghahandog ng karumaldumal na hain sa aking dambana. At inyong sinasabi, Sa ano namin nilapastangan ka? Sa inyong sinasabi, ang dulang ng Panginoon ay hamak.
8At pagka kayo'y nangaghahandog ng bulag na pinakahain, di kasamaan! at pagka kayo'y nangaghahandog ng pilay at may sakit, di kasamaan! Iharap mo nga sa iyong tagapamahala; kalulugdan ka baga niya? o tatanggapin baga niya ang iyong pagkatao? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9At ngayo'y isinasamo ko sa inyo, inyong dalanginin ang lingap ng Dios, upang pagbiyayaan niya tayo; ito'y nangyari sa inyong mga paraan: tatanggapin baga niya ang pagkatao ng sinoman sa inyo? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
10Oh kung mayroon sana sa inyo na magsara ng mga pinto, upang huwag ninyong mangapaningasan ang apoy sa aking dambana ng walang kabuluhan! Hindi ko kayo kinalulugdan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ni tatanggap man ako ng handog sa inyong kamay.
11Sapagka't mula sa sinisikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyaon, magiging dakila ang aking pangalan sa mga Gentil; at sa bawa't dako ay paghahandugan ng kamangyan ang aking pangalan, at ng dalisay na handog: sapagka't ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga Gentil, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12Nguni't inyong nilapastangan na inyong sinasabi, Ang dulang ng Panginoon ay nadumhan, at ang laman niyaon, sa makatuwid baga'y ang hain doon ay hamak.
13Inyong sinasabi rin naman, Narito, nakayayamot! at inyong nginusuan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo; at inyong iniharap ang nakuha sa dahas, at ang pilay, at ang may sakit; ganito ninyo dinadala ang handog: tatanggapin ko baga ito sa inyong kamay? sabi ng Panginoon.
14Nguni't sumpain ang magdaraya na mayroon sa kaniyang kawan na isang lalake, at nananata, at naghahain sa Panginoon ng marungis na bagay; sapagka't ako'y dakilang Hari, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ang aking pangalan ay kakilakilabot sa gitna ng mga Gentil.
Kabatana 2
[edit]1At ngayon, Oh kayong mga saserdote, ang utos na ito'y sa inyo.
2Kung hindi ninyo didinggin, at kung hindi ninyo ilalagak sa inyong puso upang bigyang kaluwalhatian ang aking pangalan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, magpapasapit nga ako ng sumpa sa inyo, at aking susumpain ang inyong kapalaran; oo, akin na silang sinumpa, sapagka't hindi ninyo inilagak sa inyong puso.
3Narito, aking sisirain ang inyong binhi, at magsasabog ako ng dumi sa harap ng inyong mga mukha, sa makatuwid baga'y ng dumi ng inyong mga kapistahan; at kayo'y pawang ilalabas na kasama niyaon.
4At inyong malalaman na aking ipinasugo ang utos na ito sa inyo, upang ang aking tipan kay Levi ay manatili, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
5Ang aking tipan ay buhay at kapayapaan sa kaniya; at aking mga ibinigay sa kaniya upang siya'y matakot; at siya'y natakot sa akin, at siya'y nagpakababa sa aking pangalan.
6Ang kautusan tungkol sa katotohanan ay nasa kaniyang bibig, at ang kalikuan ay hindi nasumpungan sa kaniyang mga labi: siya'y lumakad na kasama ko sa kapayapaan at katuwiran, at inilayo sa kasamaan ang marami.
7Sapagka't ang mga labi ng saserdote ay dapat mangagingat ng kaalaman, at kanilang marapat hanapin ang kautusan sa kaniyang bibig; sapagka't siya ang sugo ng Panginoon ng mga hukbo.
8Nguni't kayo'y nagsilihis sa daan; inyong itinisod ang marami sa kautusan; inyong sinira ang tipan ni Levi, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
9Kaya't kayo'y ginawa ko namang hamak at pinakamababa sa harap ng buong bayan, ayon sa hindi ninyo pagkaingat ng aking mga daan, kundi tumangi kayo ng mga pagkatao sa kautusan.
10Wala baga tayong lahat na isang ama? hindi baga isang Dios ang lumalang sa atin? bakit tayo nagsisigawa ng paglililo bawa't isa laban sa kaniyang kapatid, na nilalapastangan ang tipan ng ating mga magulang?
11Ang Juda'y gumawa ng paglililo, at ang kasuklamsuklam ay nagawa sa Israel at sa Jerusalem; sapagka't nilapastangan ng Juda ang santuario ng Panginoon, na kaniyang iniibig, at nagasawa sa anak na babae ng ibang dios.
12Ihihiwalay ng Panginoon ang taong gumawa nito, ang gumigising at ang sumasagot, mula sa mga tolda ng Jacob, at ang naghahandog ng handog sa Panginoon ng mga hukbo.
13At ito'y muli ninyong ginagawa: inyong tinatakpan ang dambana ng Panginoon ng mga luha, ng tangis, at ng buntong hininga, na anopa't hindi na niya nililingap ang handog ni tinatanggap man sa inyong kamay na may lugod.
14Gayon ma'y inyong sinasabi, Bakit? Sapagka't ang Panginoon ay naging saksi sa iyo at sa asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng paglililo, bagaman siya'y iyong kasama, at siyang asawa ng iyong tipan.
5At di baga siya'y gumawa ng isa, bagaman siya'y may labis na Espiritu? At bakit isa? Kaniyang hinanap ang lahing maka Dios. Kaya't ingatan ninyo ang inyong kalooban, at huwag nang manglilo laban sa asawa ng kaniyang kabataan.
16Sapagka't aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, at siya na nagtatakip ng kaniyang damit na may karahasan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo: kaya't ingatan ninyo ang inyong kalooban na huwag kayong magsalita na may paglililo.
17Inyong niyamot ang Panginoon ng inyong mga salita. Gayon ma'y inyong sinasabi, Sa ano namin niyamot siya? Na inyong sinasabi, Bawa't gumagawa ng kasamaan ay mabuti sa paningin ng Panginoon, at kaniyang kinalulugdan sila; o saan nandoon ang Dios ng kahatulan.
Kabatana 3
[edit]1Narito, aking sinusugo ang aking sugo, at siya'y maghahanda, ng daan sa harap ko: at ang Panginoon na inyong hinahanap, ay biglang paroroon sa kaniyang templo; at ang sugo ng tipan na inyong kinaliligayahan, narito, siya'y dumarating, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
2Nguni't sino ang makatatahan sa araw ng kaniyang pagparito? at sino ang tatayo pagka siya'y pakikita? sapagka't siya'y parang apoy ng mangdadalisay, at parang sabon ng mga tagapagpaputi:
3At siya'y mauupong gaya ng mangingintab at mangdadalisay ng pilak, at kaniyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kaniyang pakikinising parang ginto at pilak; at sila'y mangaghahandog sa Panginoon ng mga handog sa katuwiran.
4Kung magkagayo'y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugodlugod sa Panginoon, gaya ng mga araw nang una, at gaya ng mga taon nang una.
5At aking lalapitan kayo sa kahatulan; at ako'y magiging maliksing saksi laban sa mga manghuhula, at laban sa mga mangangalunya, at laban sa mga sinungaling na manunumpa, at laban doon sa nagsisipighati sa mangaaraw sa kaniyang mga kaupahan, sa babaing bao, at sa ulila, at sa nagliligaw sa taga ibang lupa mula sa kaniyang matuwid, at hindi natatakot sa akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
6Sapagka't ako, ang Panginoon, ay hindi nababago, kaya't kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob ay hindi nangauubos.
7Mula nang mga kaarawan ng inyong mga magulang kayo'y nangagpakaligaw sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinalima. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Nguni't inyong sinasabi, Sa ano kami manunumbalik?
8Nanakawan baga ng tao ang Dios? gayon ma'y ninanakaw ninyo ako. Nguni't inyong sinasabi, Sa ano ka namin ninakawan? Sa mga ikasangpung bahagi at sa mga handog.
9Kayo'y nangagsumpa ng sumpa sapagka't inyo akong ninakawan, sa makatuwid baga'y nitong buong bansa.
10Dalhin ninyo ang buong ikasangpung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at subukin ninyo ako ngayon sa bagay na ito, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan sa langit, at ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.
11At aking sasawayin ang mananakmal dahil sa inyo, at hindi niya sisirain ang mga bunga sa inyong lupa; ni malalagasan man ng bunga sa di panahon ang inyong puno ng ubas sa parang, sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
12At tatawagin kayo ng lahat na bansa na mapalad: sapagka't kayo'y magiging maligayang lupain, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
13Ang inyong mga salita ay naging lapastangan laban sa akin, sabi ng Panginoon. Gayon ma'y inyong sinasabi, Sa ano kami nangagsalita ng laban sa iyo?
14Inyong sinabi, Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios; at anong kapakinabangan nito na ating iningatan ang kanyang bilin, at tayo'y nagsilakad na may pananangis sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?
15At ngayo'y ating tinatawag ang palalo na mapalad, oo, silang nagsisigawa ng kasamaan ay nangagtayo; oo, kanilang tinutukso ang Dios, at tumatakas.
16Nang magkagayo'y silang nangatatakot sa Panginoon ay nagsangusapan: at pinakinggan ng Panginoon, at dininig, at isang aklat ng alaala ay nasulat sa harap niya, para sa kanila na nangatakot sa Panginoon, at gumunita ng kaniyang pangalan.
17At sila'y magiging akin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, sa araw na aking gawin, sa makatuwid baga'y isang tanging kayamanan; at akin silang kaaawaan, na gaya ng isang tao na naaawa sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya.
18Kung magkagayo'y manunumbalik kayo at makikilala ninyo ang matuwid at ang masama, yaong naglilingkod sa Dios at yaong hindi naglilingkod sa kaniya.
Kabatana 4
[edit]1Sapagka't, narito, ang araw ay dumarating, na nagniningas na parang hurno; at ang lahat na palalo, at ang lahat na nagsisigawa ng kasamaan ay magiging parang dayami, at ang araw na dumarating ay susunog sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, na anopa't hindi magiiwan sa kanila ng kahit ugat ni sanga man.
2Nguni't sa inyo na nangatatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran na may kagalingan sa kaniyang mga pakpak; at kayo'y magsisilabas, at magsisiluksong parang guya mula sa silungan.
3At inyong yayapakan ang masasama; sapagka't sila'y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa kaarawan na aking gawin, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod na aking iniutos sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel, sa makatuwid baga'y ang mga palatuntunan at mga kahatulan.
5Narito, aking susuguin sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na kaarawan ng Panginoon.
6At kaniyang papagbabaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; baka ako'y dumating at saktan ko ang lupa ng sumpa.